Sa unang isyu ng ikatlong tomo ng HEIGHTS noong 1954, nilinaw ng editoryal ang paninindigan ng publikasyon: ang pagsulat ay pagpapahayag ng katotohanan sa pamamagitan ng mga manlilikhang nauunawaan ang kahulugan ng buhay. Mahigit pitumpung taon ang nakalipas, nananatili ang posisyon ng HEIGHTS Ateneo sa pagpapahalaga sa buhay—sa paglikha bilang tunay na karanasang pantao at makatao.
Pagbabalik-tanaw
Maging sa kahabaan ng kasaysayan nito, napatutunayan na naninindigan ang publikasyon sa ganap na kalagayang panlipunan sa loob at labas ng pamantasang Ateneo. Halimbawa, buhat ng pagsailalim ng unibersidad sa Pilipinisasyon noong dekada sisenta, nagsimula ang kilusang pampanitikan na tinawag na Bagay (Vitug 275–76). Bagaman pangunahing kinikilala ito sa pagsilang ng bagong anyo ng pagsulat ng tula, ang kalagayang panlipunan na kinapapalooban nito ang humulma sa tunguhin ng panunula na magsilbing panawagan ng pagtaliwas. Ang mismong paggamit ng wikang Filipino sa isang pamantasan na pinatatakbo ng mga Amerikanong Heswita at paglalarawan ng imahen ng mga payak na bagay ay pulitikal. Higit pa, ayon sa manifesto na isinulat ni Bienvenido Lumbera, isa sa mga kahingian ng panulaang Bagay ay ang ganap sa kasalimuotan ng karanasang pantao—na tumutugon sa pakikibaka ng masang Filipino.
Noong 1970, sa ikalabing walong tomo bilang panawagan na palayain si Nilo Tayag, na dating pangulo ng Kabataan Makabayan, ipinakilala ng magasin ang bagong Atenista at bagong HEIGHTS. Ang layunin nito, ayon sa editoryal, ay “pakikibaka sa larangan ng kultura at pulitika.” Sinundan ito ng pagkalimbag ng “The Need for Cultural Revolution” ni Joma Sison, bilang guest editorial noong 1971. Sinabi rito, ang tungkulin ng manlilikha ay tiyakin ang papel ng sining at panitikan sa himagsikan para pag-isahin ang diwang pangmasa. Dahil nakalapat ang malikhaing pamantayan sa karanasang ng masang inaapi.
Sa usapin ng sining at panitikang Filipino, ang ultimong pag-iral nito ay umaangkla sa pagsasalaysay ng masalimuot na karanasan ng masang nakikibaka. Pinatutunayan ng kasaysayan ng HEIGHTS ang malikhaing paninindigan nito na tinutugunan ang mga panawagan na nanggagaling sa labas ng mga haligi ng Ateneo.
Paninindigan ng publikasyon
Sa kalagitnaan ng dekada 2010, sinimulan ng HEIGHTS ang pagkakaroon ng thrust bawat taon upang maging ganap sa pakikisangkot at paninindigan ng kanilang mga komunidad. Kasabay nito ang pagluwag ng deliberasyon sa pormalismo upang magbigay-daan sa panunuri ng mga sosyo-politikal na komentaryo sa mga akda. Hanggang sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy ang pag-angkla ng thrust sa mga panawagan para sa mga akda at tema ng mga folio. Makikita ito sa masisidhing imahen na ipinamalas ng mga nagdaang folio gaya ng Pagsuway at Pagdududa. Sa madaling sabi, ang thrust ay paninindigan ng publikasyon sa bawat taong pagpapatuloy nito. Ang paninindigang ito, noong ika-73 taon, ay pagpapahalaga sa pag-aruga bilang kanlungan ng paglikha at pagsasalaysay.
Pinanday ng pagkandiling ito ang pagiging sandigan ng publikasyon sa mga likhang tangan ang kaibuturan ng pagkatao: ang kawalan ng katiyakan sa Pagdududa at pagtalunton sa mga agwat at tagpuan sa Lapit-layo. Palatandaan ang pakikilahok ng komunidad ng Ateneo sa mga nagdaang protesta at walkout na nananatiling matatag na haligi ng pamantasan ang aktibismong kinalinga nito sa iba’t ibang punto ng kasaysayang Pilipino.
Sa ika-74 nitong taon, patuloy na binabagtas ng HEIGHTS ang mga tahaking ito, yakag-yakag ang paninindigang pinaaalab ng sining at panitikan. Lagi nitong layon na humakbang lampas sa lupang kinatitirikan ng publikasyon.
Ngayon, higit kailanman, nararapat itaguyod ang mga likhang yari sa katangi-tanging gunita at damdamin ng tao. Habang kinakalakal ng generative AI ang kaniyang danas at kaalaman, habang isinasanla sa dayuhan ang kinabukasan ng kaniyang bansa at ibinabaon sa limot ang pananamantala ng mga may kapangyarihan, kaisa ang HEIGHTS sa paglingap ng mapaningil na sining at panitikan. Bagaman mapanupil ang mundong ginagalawan, hindi maigagapos ang ligalig ng isip ng isang manlilikha.
Ito ang likas na talinghaga ng makataong paninindigan. Matingkad ang pakikibaka ng mga manlilikha.
Pagpapakatao sa paglikha
Patuloy ang paglaki ng bantang mawaglit at tuluyang mapag-iwanan ang ating pagkatao sa matuling pagtakbo ng panahon. Sa harap ng hamong ito, nananatiling matatag ang HEIGHTS bilang tanggulan ng mga alagad ng sining at panitikan sa komunidad ng Ateneo. Katambal nito ang pagbalikwas sa simpleng pagkikibit-balikat sa mga isyung panlipunan sa pamamagitan ng pagsisikap na laging maging daan ng mga likhang sining at panitikan mula sa kapwa at para sa kapwa.
Ibinabandera ng publikasyon ang paglikhang nagbibigay-buhay sa pakikinig, pagmamasid at pagdamdam sa mga katotohanang tahasang nilalagpasan hindi lang sa kasalukuyan, kundi sa kasaysayan.
Nawa'y makasama namin kayo sa pagpupunyaging ito.
Vitug, Niccolo Rocamora. “Bagay: A Structural-Phenomenological Discussion of a Movement.” Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints, vol. 70, no. 2, 2022, article 4, https://doi.org/10.13185/2244-1638.1125
Available at: https://archium.ateneo.edu/phstudies/vol70/iss2/4
Si Erwin Arroyo, ang Editor-in-Chief ng HEIGHTS Ateneo, ay nagmemeron, minsan sa ilalim ng footbridge ng Gate 3.5.
Si Jonela Marides Palonpon ay mag-aaral ng Batsilyer ng Sining sa Komunikasyon. Lagi lamang siyang patungo.Isa siya sa mga Patnugot ng Bagwisang Filipino ng HEIGHTS Ateneo T.P. 2026-2027.Mababasa ang karamihan ng kaniyang mga akda sa https://jonelamarides.substack.com
We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!