Ang Ganap na Liwanag na Tanglaw ng Ina: Isang Pagsusuri sa Ningning sa Silangan ng Tanghalang Ateneo

April 10, 2025

Sulat nina Erwin Arroyo at Joie Ocampo
Pitik ni Miguel Abad mula sa Tanghalang Ateneo

TW: violence, death, abuse (sexual, verbal, gender-based), sexism/misogyny, pregnancy/abortion, sex (consensual sexual activity), socio-economic class.

Ganap ang talinghaga ng simula sa pagtatapos ng “ELOQUENTIA, SAPIENTIA, HUMANITAS: The Ricky Season” bilang paggunita sa kadakilaang ambag ng namayapang batikang direktor na si Dr. Ricardo G. Abad sa teatrong Ateneo sa huling produksiyon ng ika-46 na tagdula ng Tanghalang Ateneo. Masiglang naitampok ito sa “Ningning sa Silangan,” sa direksyon ni Charles Yee, na hinalaw sa salin sa Filipino ni Dr. Jerry Respeto ng A Light in the Village ni Jo Clifford.

Nagsimula ang dula sa masiglang pagsasalaysay ni Inang Kalikasan ukol sa paglikha ng mundo—isang mundong nagmula sa bula, ihi, at padyak, na sinasaliwan ng mga tunog at galaw sa entablado. Mula rito, itinanghal ang motif ng tunog at dinamikong kilos bilang sagisag ng daloy ng katawan ng mga tauhan at ng kanilang ugnayan, na tila likas na umaagos sa ritmo ng kalikasan. Sa pagsisimula ng kuwento, ipinakilala ang mga tauhan sa isang maliit na barrio—si Muntu (Johnrick Noynay) at ang kaniyang asawang si Sita (Louis Paguia), ang among si Mukerji (Elio Severa)  at kapatid nitong si Rhodes (Lyle Viray), at ang matandang si Mina (Chantei Cortez)—na pawang may ugnayang nakaugat sa lupa, siyang pinagmumulan ng lalim at laman ng kanilang mga katauhan.

Sa unang tagpo, sinasalamin ng liksi ng mga tauhan sa entablado ang ginagampanan nilang puwang sa kuwento. Alinsabay, buhay na buhay ang paghihiwalay ng mga tauhan sa entablado batay sa kanilang sosyoekonomikong katayuan at kasarian—nasa kaliwa sina Muntu at Sita bilang alipin at babae, samantalang nananatili sa kanan si Mukerji sa kaniyang marangyang pahingahan. Gayunman, lumalampas sa linyang ito ang mga katauhan nina Rhodes at Mina; si Rhodes bilang sagisag ng makamundong ambisyon ng industriyalisasyon, at si Mina bilang tagapagdala ng karunungan ng katandaan—kapwa nilalampasan ang hangganan ng kasarian at kahirapan sa masalimuot na ugnayan ng kaunlaran at kalikasan. Sa relasyon ng mga karakter sa isa’t-isa, pinapakita rin ng dula ang ilan sa mga mahalagang ugat ng tensyon at tunggalian sa kwento: babae laban sa lalaki, tradisyon laban sa modernong panahon, at ang liwanag laban sa kadiliman.

Higit sa ugnayan ng mga tauhan, malinaw at mabisang naitatampok ang mga isyung panlipunang nagiging mitsa ng kanilang tunggalian. Pinaiigting ito ng mga diyalogong may pagsisipi sa mga parabula at sa “The Taming of the Shrew” ni William Shakespeare, na lalong nagpapalalim sa kontekstong panlipunan ng bawat tauhan. Ipinipinta ng mga linya ang lipunang kinabibilangan nila—isang mundong tumutulak sa anyo ng kanilang pagkatao at relasyon. Bukod pa rito, mainam ding sipatin ang paraan ng pagsasalaysay kung saan ang mga artista mismo, bilang mga tauhan, ang nagbibigay-katwiran sa kanilang mga kilos at pananalita. Sa ganitong paraan, nagiging bukas ang entablado sa damdamin ng bawat isa, habang epektibong naikakabit sa malikhaing pagsulat ang tahas na paggamit ng kasuotan bilang dagdag na susi sa pag-unawa sa kanilang panloob na mundo.

Kaya sa ikalawang tagpo, matapos ang panggagahasa kay Sita, unti-unting binasag ang kahong matagal nang kumukulong sa kaniya at kay Muntu bilang mag-asawa. Inilalarawan ng kaniyang kuwento—Ang Tigre at ang Gagamba—ang pagtugon sa tunggalian bilang pagbasag sa status quo, na siyang tumatawid sa pagbibigay-boses kay Sita sa pagtatapos ng dula. Sa kaniyang madamdaming monologo, ganap na naipamamalas ang kapangyarihang tumindig sa kaniyang kababaihan—bilang mukha ng galit, pagkasira, at paghihiganti. Masigla ring ginamit ang ilaw at tunog sa pagsasakatawan ng masalimuot na kamatayan at pagkawasak, na sa kabila ng pait ay umuugat pa rin sa kalikasan—isang masidhing pahiwatig ng mas malawak na kapangyarihan ni Inang Kalikasan sa kaniyang nilikha.

Sa isang banda, mahalaga ring kilalanin ang inihahatid na konsepto ng pag-unlad sa sagisag ng bumbilyang dala ni Rhodes mula sa Amerika—ang literal at metaporikal na “ilaw” sa pamagat ng dula. Bukod sa pagtanaw kay Sita bilang ilaw ng kababaihan at tagapagdala ng panloob na kapangyarihan, ang bumbilya ang pinakamalinaw na anyo ng dayuhang ideya ng kaunlaran. Sa pamamagitan nito, nailalantad ang hamon sa mga pangarap at ugnayan ng mga tauhan, gayundin ang pagpapanatili ng status quo na nagbibigay-puwersa sa magkapatid na Rhodes at Mukerji. Sa huli, ito ang ultimong nagbibigkis sa tanong kung paanong nagbabanggaan ang kapangyarihan, kasarian, at pananampalataya sa rumaragasang proseso ng pagbabago—isang paglalakbay tungo sa kanluraning kahulugan ng kaunlaran at hinaharap, at ang pagkaligta sa sariling pinagmulan.

Tampok din ang intensyon ng mandudula sa mga teknikal na aspeto ng dula. Mula sa unang eksena, makikita ang liksi ng galaw ng mga aktor. Tila sayaw ang bawat hakbang ng mga aktor kung saan sadyang ginagamit ng bawat isa ang lawak ng entablado. Dahil sa liking ito, ang mga eksenang mahirap panoorin tulad ng pakikipagtalik nina Muntu at Sita, o ang panggagahasa kay Sita ay mas tumatatak sa isipan ng mga manonood.  Tiyak na nailarawan ang pagkakaiba ng dalawang eksena ito, at naitatampok ang kaibhan ng kabaitan at pagmamahal nina Muntu at Sita sa isa’t isa, at ang kahigpitan ng lipunan na kinalakihan nila. Sa ganitong paraan, sinasalamin nito ang sitwasyon at problema ng bawat tauhan, lalo na ni Sita.

Kapansin-pansin ang props na ginamit nang may husay at lalim; nasalaysay ang mga kuwento ng modernidad at inobasyon gamit ang payong, bumbilya, at tablet na nagpapakita sa pagkahumaling ng ilang karakter sa ideya ng pagbabago. Gayunpaman, nababaluktot din ang mismong ideya ng pagbabago para lamang sa kapangyarihan. Dagdag pa, natatanghal ang husay ng dula sa kung paano ipinamalas ng mga aktor ang panganib ng walang-katapusang pagnanasa sa pag-uunlad ng iilang tao lamang; walang binabago ang modernidad kung patuloy nitong sinasaktan, pinahihirapan, at nilalapastangan ang lahat na dapat makinabang dito.

Sa pagitan ng diyalogo ng bawat tauhan sa isa’t isa, malinaw na ipinahihiwatig na ang mga manonood ay mga tagamasid lamang; isinasalaysay sa atin ang kuwento, ngunit hindi tayo bahagi ng naratibo. Hindi natin mababago ang mga nangyari kina Muntu at Sita. Hindi natin ito nararanasan tulad ng kanilang nararanasan sa bawat ulit ng kanilang kuwento. Bagkus, halata mang kuwento ito ng limang tauhan lamang, inuusisa pa rin sa mga manonood ang mga tanong na hinaharap ng mga tauhan: Mahirap nga bang mahalin ang mga taong nasa ibaba mo? Tao nga ba ang nagpaparusa sa sarili nila? At bakit ba wala nang bayani ngayon?

Maaaring nakagugulat ang wakas ng Ningning sa Silangan, ngunit isa itong makapangyarihang komentaryo na sumasalamin sa kung bakit isinagawa ang dula para sa March of Women noong Marso. Sa huli, ang kuwento ng nayon ay nagiging kuwento ng pagbabawi ng katarungan, ng pag-aangkin ng kababaihan ng kanilang hustisya at dignidad mula sa mga nagmamalupit sa kaniya.

Sa kabuuan, ang Ningning sa Silangan ay isang mapanlikhang pagsisiwalat sa tanong kung ano nga ba ang tunay na anyo ng pag-unlad. Sa dulo, ang ningning ay ang kapangyarihang iginawad ni Inang Kalikasan kay Sita—isang kapangyarihang buhay na sa simula pa lamang, mula sa imahen ng tubig, daloy, at kasuotang may tuwirang ugnayan sa lupa. Ipinaaalala ng dula na hindi pagtalikod sa hinaharap ang pananampalataya sa lupang pinagmulan kundi pagpupunyaging panatilihing buhay ang pinanggalingan. Sa ganitong pananaw, hindi dapat maglingkod ang kaunlaran sa iilang makapangyarihan kundi sa mga inaapi, at sa halip na kumitil, dapat itong nagsusustento. Hinahamon ang mga manonood na makita ang pagkahipokrito at ang pagkadelusyonal ng pagsamba sa ideya ng modernidad at pag-unlad nang walang pakialam sa mga naaapektuhan mula rito. Sa pagsasakatawan kay Sita, lumilitaw ang panawagan ng dula: ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi hiwalay sa pangangalaga sa katarungan. Sapagkat ang ina—gaya ng kalikasan—ay may kapangyarihang magsilang, ngunit gayundin, magwasak.

Mahusay ang paglalaro ng dula sa pagdodoble-kara ng mga tauhan bilang tagapagsalaysay sapagkat mabisang  naiuugnay nito ang kuwento sa mga manonood habang mariing inilulubog sa kalikasan at pagdaloy ang tinatangkang proyekto ng palabas. Inilalantad ng disenyo ng entablado, dulas ng paggalaw, at ritmo ng tambol ang buhay na diwa ng kalikasan at payapang pananaig nito sa pamamagitan ni Inang Kalikasan. Sa kabuuan, napaninindigan ng dula ang pagtatalaban ng mga suliraning panlipunan na pumapaloob sa kalikasan bilang sagisag ng ugnayan ng tao, anumang kasarian at katayuan, sa buhay at kamatayan.

Bilang pagwawakas ng ika-46 na tagdula ng Tanghalang Ateneo, nanawagan ang Ningning sa Silangan na muling pagtuunan ng pansin ang pinagmulan—ang lupa, ang puwang ng bawat isa sa lipunan, at ang kapangyarihang kaakibat nito—nang hindi nawawala ang katarungan sa pag-abot ng inaasam na kaunlaran. Sa kapangyarihan ng kalikasan, kakambal ng bawat pagsilang ang posibilidad ng kamatayan. Hinahamon ang mga manonood ng dula na lumakad sa mga yapak nina Muntu at Sita, mga tinig ng laylayan, upang hindi mawaglit sa pag-unlad ang kanilang boses. Sapagkat sa pagkilalang isinilang ang lahat mula sa parehong lupa, doon lamang nagiging buo at totoo ang daloy at ritmo ng mundong sabay-sabay nating nililikha. Bukod pa rito, dulot ng kalupitan sa kapaligiran ang iba’t ibang isyung lipunang hinaharap ng bansa, at pinaaalala sa masa na sa ganitong mga pagkakataon, tayo ang karapat-dapat na maghanap ng katarungan para sa ating sarili.


Si Erwin Arroyo ay mula sa 2 BS ME at isang staffer ng HEIGHTS Bagwisang Filipino. Pangarap niya noong high school na sumali sa teatro ngunit kalaunang napagtanto na mas buhay ang diwa ng pag-arte sa kaniyang isip at hindi sa entablado. 

Si Joie Ocampo ay mula sa 3 BS PSY at isang staffer ng HEIGHTS Online. May malalim siyang pagmamahal para sa teatro. Naniniwala siya sa kapangyarihan ng entablado bilang kritikal na salamin ng lipunan, at sana’y mas dumami pa ang iba’t-ibang pagtatanghal para sa masa.

Recommended for you

Thank you! Your submission has been received!
Oops! Something went wrong while submitting the form.

Want to be featured on HEIGHTS?

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!

Passionately made by User Experience Society