Dakara Maskara: Ang makabuluhang pagtago sa likod ng Moryon

John Rex G. Funtilar
and
Joshua Dale B. Masigla
•
October 27, 2026

Mararanasan sa bayan ng Marinduque ang makulay at malikhaing kapistahan ng Moriones na ipinagdiriwang sa Huwebes Santo ng Semana Santa. Ito ay bilang pag-alala sa mga huling araw ni Hesus sa paraan ng pagbibihis ng mga kasuotan at maskara katulad ng mga sundalong Romano, at bilang alaala sa kuwento ni Longinus, ang bulag na sundalong Romanong tumusok sa tagiliran ni Hesus. Itinatampok ng kultura ng Moriones ang isang natatangi at malikhaing mukha ng pananampalataya ng mga Pilipino. Subalit sa bagong dula na isinulat at idinirehe ni Dudz Teraña, at sa pagbibigay-buhay at pagtatanghal ng FEU Theater Guild, ito ay magiging paksa ng pananampalataya, ang walang-awang kalikasan ng digmaan, at ang kalaliman ng pagmamahal ng isang ina.

Hango sa isang maikling kuwentong Mother Sauvage ni Guy de Maupassant, ibinibida ng dula ang inang si Caridad, na isinabuhay ni Maria Ysabel delos Reyes, na naghahanda para sa pagdiriwang ng Semana Santa, sa kasagsagan ng dumarahas na pagsakop ng mga Hapones. Kamakailan ay umalis sa kaniyang bahay ang buhay na anak na si Joaquin, na ginampanan nina Edrud Madalan at Aldin Covarrubias, habang ang kaniyang pananampalataya sa Diyos ang natitirang pag-asa na ito ay babalik—subalit iba ang kaniyang matatanggap na balita.

‍

Iisang tanghalan, iisang lupang tinatapakan

Masisipat mula pa lamang sa unang pagpasok na hindi ginaganap sa karaniwang entablado ang Moryon. Ang mga manonood ay nakapalibot sa isang espasyo na binubuo ng mesa, lutuan, balon, at altar ni Caridad. Lahat ng ito ay nakatayo sa sahig na tinakpan ng tunay na lupa, dumidikit sa paa at dumidiretso sa hiraya ng manonood na siya ay maaaring nasa isang bakuran sa probinsya, lalo na at may mga nakakalat na damo, halaman, at iilang kagamitan tulad ng mga bao ng niyog at sako.

Dahil hindi gumagalaw sa taas ng isang entablado ang dula, mas napapalapit ang mga manonood sa eksena—iisa ang lupa ng dula at ang lupa ng madla. Pinag-uugnay nitong lupa ang diwa, at kung kaya ang pandama, ng mga manonood at ng mga tauhan. Sa isang bahagi ng dula kung saan pumasok ang ilang penitente, kitang-kita ang kanilang mga sugatang likod, at amoy na amoy ang mismong putahe na inihanda ni Caridad sa gitnang hapag-kainan tulad ng tamis ng ginataang saging at aroma ng luya at sibuyas. Mananalasa sa katawan ng manonood ang buháy na lupa’t lupaing mabisang umiiral sa dula. At kung tayong lahat ay inilikha mula sa alabok ng iisang lupa, hindi ba’t tiyak na iisa rin ang danas natin sa masamang damo? Tinutumpok ng pagtatanghal ng Moryon ang mga iniwang bakas ng digmaan na bagama’t nabaon na sa panibagong lupa ay pausbong-usbong pa rin sa kasalukuyan—at lupa pa man ding tinatapakan at pinagmumulan ng buhay. 

‍

Maskara ng damdamin

Hindi maitatanggi na ang kahusayan at ang mismong hininga ng isang dula ay nakasalalay sa husay ng pagpapasabuhay ng mga aktor. Sa ganitong aspekto, nabigyang-katawan ng mga gumanap ang kanilang mga karakter sa pamamagitan ng pagpapakita ng emosyon na angkop sa kanilang layon.

Si Caridad ay isang inang may bitbit na mabigat na nakaraan. Maiging naisuot ni delos Reyes ang mairap na mata ni Caridad at ikinubli sa lalim ng mga ito ang pasanin ng isang inang may madilim na nakaraan. Lumilitaw ang lalim ng dusa ni Caridad sa tuwing sasagi sa usapan ng ibang tauhan ang kaniyang pamilya. Sa mga sandaling binabanggit ang kaniyang abusadong asawa o ang paglisan ni Joaquin, tila napapatigil ang oras sa entablado. Mababaling ang tingin at kamalayan ng manonood sa kung paano disiplinahin ng kaniyang asawa si Joaquin, sa paraan ng pagpapaluhod sa balon habang may bitbit na mga niyog sa bawat kamay, ang pagkasawimpalad ng kaniyang bunsong kapatid na si Ineng, at ang pagpapaalam ni Joaquin sa kaniyang ina upang mamundok. Lahat ng ito, habang hindi gumagalaw ang mga tauhan sa gitna ng kasalukuyang eksena, ay nagpaparamdam na ang manonood ay nakikita ang mga alaala ni Caridad. Sa pamamagitan ng ganitong malikhaing pagsasadula, hindi lamang simpleng isinasalaysay ang nakaraan, kundi hinahayaan ang mga manonoood na direktang pumasok sa mismong sisidlan ng gunita at hinagpis ng isang ina.

‍

Mga mukhang nakakubli at mga mukha ng pagkukubli

Unang susulpot, saka maghahasik ng misteryo, ang mga maskarang moryon sa sukdulan pa ng dula—kung saan matutuldukan ang pag-impit ng mga manonood sa isang makatindig-balahibong ritwal. Ang paghahalo ng nagpuputukang pulang ilaw, naghahagubhob na iskor, at nagsasabayang pagbigkas ng pasyon ng mga tauhang naka-maskara ay dumadagdag sa bigat at pagka-tahas ng sinasadulang eksena; sa ganoong bisa ay mas nagiging totoo ang simbolo ng maskara. Bukas-palad ang mga maskara sapagkat nagbibigay ang mga ito ng panibagong mukha o ng suson sa mga nakagisnang mukha, at sa kaso ng Moryon, ang pagkakasalansan ng iba’t ibang nakakubling intensyon.

Inilalatag sa umpisa ng dula ang pagka-maingat ng mga taga-Mogpog, na mababakas sa kanilang pagkabalisa sa banta ng karahasan ng digmaan. Magkakaiba man ang daloy ng pakikiramay, nag-uugat ang lahat ng mga ito sa balon ng pag-aalala sa kapuwa at sa pananampalataya sa iisang Diyos. Bantayog nito ang kanilang mga nabuong kalakaran sa pagpapatanda ng peligro sa kamay ng mananakop: ang pagiging senyas ng pagsabit ng pulang tela at pagtaob ng bangka sa pampang. Gayon din ang pagiging malay sa galaw ng gerilya, na nagsilbi ring balon ng tensyon sa dula. 

At sa usaping mga balon, hitik din sa nagkukubling simbolismo ang kaisa-isang balon ng tubig sa gitna ng entablado. Maliban sa pagiging rekurso ng buhay para sa mga taga-Mogpog, ang balon ay pananda rin ng masalimuot na nakaraan na hindi makitil ni Caridad, at sa mabalintunang wakas ay panlinis ng kaniyang naging madugong kamay—katulad ni Poncio Pilato sa pasyon. Sa balon din dumaloy ang balita patungo kay Caridad ng kinahantungan ni Joaquin sa kamay ng mga Hapones, sa pamamagitan ng liham na isiniksik ni Esteban (sa mahusay na pagganap ni Mark Dave Bambang). Kung kaya, ang balon sa entablado ay balon din ng lihim, at naging mabisang daluyan ng mga ito, upang buhayin ang kabuuan ng dula at bigyan ito ng mukha.

Sa pagsusubok na matarok ang mga balon nitong dula, nabababad ang mga manonood sa kasidhian ng digmaan at nalulunod sa katotohanang minsan ang katahimikan ay hindi payak na katahimikan lamang. Minsan, nakakubli sa katahimikan ang naghihimutok na sigaw—ng isang inang nawalan ng anak, ng isang Inang Bayang nawalan ng kalayaan. Matalas ang pagkasala-salabid ng pananampalataya, pagdududa, at paghihingi ng hustisya’t kalayaan bilang pangguhit sa marahas na mukha ng kolonyal na nakaraan.

‍

Dila ng dula ng digmaan

Bilang panapal, nag-aanyong maskara rin ang wikang ginamit sa dula. Bukod sa lokal na diyalekto ng Tagalog-Marinduque na isinasadila ng mga taga-Mogpog, isa pang wika ng Moryon ang Nihongo, na isinasadila naman ng mga kawal na Hapones. Liban na lang kung nakauunawa ang manonood ng parehong lengguwahe, mahirap masundan ang lahat ng linya ng mga tauhan bilang banyaga sa isa o dalawang dilang umiiral sa dula. Si Esteban, na ipinakilala bilang sanay sa pagkilos parehong dila, ang nagsilbing tulay ng pagkakaunawaan ni Caridad at ng mga binubungan niyang sundalong Hapones. Gayunpaman, nakakasamid ang tumutubong pag-aalinlangan sa katapatan ng kaniyang pagsalin, na malulunok sa mga eksena bagama’t hindi lubusang nauunawaan at nangunguya. Nagiging mabisang elemento ang wika bilang pagpapatalim sa tensyon ng dula at bilang pagpapabanyaga sa mga banyagang tauhan nito.

Bago makarating sa kalamnan, dila ang nagsisilbing unang istasyon sa mahaba-habang prosisyon ng pagkabusog. Sentro sa dula ang pagkain bilang mapagbuklod na puwersa—taga-tulay ng mga kumakalam na sikmura ng lipunang ginugutom ng giyera. Ang mga putahe ni Caridad ang nagbigay ligalig sa mga taga-Mogpog, pati na rin sa mga binubungan niyang mga Hapones. Subalit, nakabubulag din minsan ang matinding gutom, at bagaman malay sa malinis na kamay ng mga pinakain niyang banyaga, walang kinikilingang palad ang hinagpis at galit ng isang inang nawalan ng anak, at iisang lahi lang ang dugong nananalantay sa mga manananakop na kaniyang kinupkop at manananakop na kumitil sa buhay ng kaniyang anak. Dahan-dahang pinapatay ng kolonyalismo sa gutom ang sinasakupan nito, kung kaya’t mapangil ang pagganti ni Caridad, sa anyo ng pagpatay sa mga mananakop sa pamamagitan ng kabusugan. 

At hindi ba’t batas ng lahat ng giyera ang pumatay, kung hindi, ikaw ang papatayin? Walang pinipiling lupa, damdamin, mukha, dila, sikmura, at wika ang digmaan; walang ligtas mula sa karahasang amba nito. Itinatanghal ng Moryon ang isang sugat ng karanasang kolonyal na kahit anong tapal ay sariwa pa rin ang hapdi sa kontemporaneong balat. Kasaysayan na ang mga digmaan, ngunit ang ibang anyo ng dahas nito ay umiinog pa rin sa mundo. Makabuluhan ang pagkilala sa mga maskara at ang mga mukhang kinukubli ng mga ito bilang pag-alala sa mga nakaraang hindi nang nais pang maulit. At sa oras ng pamilyar na karimlan, anong matutumpok ng kaliwanagan ng pananampalataya at pag-ibig—sa anak, sa kapuwa, sa Inang Bayan? Anong kapayapaan ang matatagpuan sa katahimikan? Sa huli, pinapaalala ng Moryon na kapag ang karahasan ay nag-iwan na ng bakas, ang maskara sa mukha ay hindi na lamang isang pagkukunwari, kundi isang peklat sa isang hindi gumagaling na sugat. 

‍

‍

‍Marami nang nasinghot na kemikal si John Rex Funtilar sa kaniyang ikatlong taon sa kursong BS Chemistry. Halos matunaw na ang kaniyang utak, ngunit (kailanma’y) hindi ang amór sa panitikan at sining. Adik sa ritmo at sa paggalaw, nasa rurok ng kaniyang pagnanasa ang panatilihing magalaw ang galawgaw na mundo. At kung magiging sapat ang oras, isasabay niya kayong lahat sa paglipad ng eroplano. Natatakot siyang maging mag-isa sa first flight ng kaniyang buhay.

‍

Sa malalim na pagmumuni na natuto sa kursong Pilosopiya, si Joshua Dale Masigla ay maraming kaisipang hindi niya kayang iwan na nakatago sa yungib ng kaniyang isipan—mas lalo na mga kuwento’t sining—sapagkat nais niyang may maiwang makabuluhan sa absurdong mundong ito.

‍

Want to be featured on HEIGHTS?

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!