Gubat ng Ardén: Paraiso ng Pag-ibig

Jonela Marides Palonpon
and
Mark Benedict Bajar
March 1, 2026

“Ikulong mo sa silid ang isip ng babae, sa bintana pupuslit! Ipinid man ang bintana, sa bahay-susi sisingit!”

Sinusundan ng Paano Man ang Ibig ang kuwento nina Rosalinda at ang kaniyang pinsang si Celia, na pinalayas mula sa isang mapaniil na korte at nakahanap ng kanlungan mula sa Gubat ng Ardén—malayo sa batas ng hari at malapit sa tahanan na binibigay ng gubat. Mga pinatalsik na maharlika, mga pastol at mamamayan na may mga pusong naglalagalag sa paghahabol ng pag-ibig. 

Sa kanilang pagkukubli, napilitan si Rosalinda magtago sa anyo ng isang lalaki. Dahil dito, nabuksan ang mga tanong hinggil sa pagkakakilanlan, kapangyarihan, at pag-ibig. Habang patuloy na sinusubok ang ugnayan ng mga tauhan, naging kanlungan ang Gubat ng Ardén mula sa mga ipinapataw ng mapanghusgang lipunan. Nagbigay-daan ang kanilang pagtakas sa pagtuklas ng paraisong walang iwinawaksing sinuman.

Bilang trainee production ng ika-47 na tagdula ng Tanghalang Ateneo na may temang “Boses Babae Nagbabanyuhay”,  itinatakda ng dula ang direksiyong nakatuon sa pag-igting ng tinig ng kababaihan. Mula sa orihinal na dula ni Shakespeare na As You Like It,  idinerehe ni Cholo Ledesma ang salin ni Rolando S. Tinio. Pinagdurugtong ng dula ang tradisyon at bagong bisyon sa pagkilala ng sarili at iba sa pamamagitan ng pag-ibig—patunay na ang mga kuwento mula sa nakaraan ay makapangyarihan pa rin sa kasalukuyan. 

Siksik, Lilig, at Umaapaw na Pag-ibig

Ibinunyag ng pagpanggap ni Rosalinda ang samot-saring realidad sa nagtutuligsaang panig ng kapangyarihan at kasarian na dinadanas maging ng tunay na mundo sa kasalukuyan.

Taliwas sa nakasanayang korteng sadyang patriyarkal, inaasam nilang matagpuan ang ipinagkait na kalayaan sa mahiwagang gubat. Sa mga pasikot-sikot nito nagkrus ang landas ng mga pusong taksil at tapat, mga palalong payaso, butihing pastol, malungkuting pilosopo at iba pang mga itinakwil gaya nina Rosalinda.

Sa kasukalan, umusbong ang mundong pag-ibig ang pinag-iinugan—ngunit hanggang saan ang kayang hamakin ng pagsintang pagbabalatkayo’t linlangan ang pinag-uugatan?

Nanghahalina ang mga awit ng koro na mapanatag ang mga manonood sa dulang tigib sa pagsusuyuan. Anila, sa Gubat ng Ardén, walang kalaban at walang katunggali. Payapa. Malaya. Hindi naging hadlang ang limitadong espasyo ng tanghalan sa pagpapahayag nito dahil likas ang pagkaligalig ng koreograpiya ni Katriel Garcia; saliw sa maligayang musika ni Sage Ilagan ang kampay ng mga kamay at mga mukhang may ngiting maaliwalas sa bawat indayog. 

Masigla man ang awitan, may kinikimkim ding salimuot ang Gubat ng Ardén. Malaya ang umibig ngunit maging ito’y may kalakaran: hindi lahat ng pagsinta ay may kasiguruhang masuklian. May mga liyag na ‘di lang isa ang sumisinta. Madalas at marahas kung subukin ng tadhana ang mga masidhing damdamin—mabusising tinitimbang kung lilipas o mananatili. 

Kung lalagyan naman ng mukha ang kalungkutan, ito ay ang namumukod-tanging karakter ni Jakwis (Aleczandra Luna) sa hanay ng mga optimistang tauhan. Sa kaniyang pamimilosopo nagmula ang bantog na bahagi ng dulang ito ni Shakespeare, tungkol sa pagiging dulaan ng mundo (All the world's a stage). Sa bawat paglitaw ni Jakwis, nababali ang pagka-paraiso ng Ardén kahit panandalian lamang. Isang mahalagang pagpapaalala ito ng kapaitang hindi maihihiwalay—gaano man katamis ang buhay.

Dahil sa likas nilang pagkakaiba sa pamumuhay at paniniwala, namumutawi rin ang tagisan ng mga karakter na nagmula sa korte at iyong mga nananahan sa kagubatan. Sa tensyong ito nasusubok ang hangganan ng kabutihang may pinagsisikapang patunayan: sa kabila ng pagiging salat sa karangyaang materyal, puno ang gubat ng mga taong bukal ang kalooban. Tutukan man ng patalim, iharap man sa leona at sa iba pang patibong ng buhay na mapaglaro, mananaig pa rin ang kadalisayan ng puso. 

Sa gitna ng pag-aaligaga ng mundo sa pagdududa at pangungulila, narito ang Gubat ng Ardén, nangungusap sa sinumang makikinig: Halina at umibig!

Isinaling pagsinta mula Inglatera patungong Gonzaga

Namamayani bilang pangunahing kalakasan ng dulang ito ang natatanging pagsasalin sa wikang Filipino. Pagdating sa usapang pag-ibig, bukambibig ng mga Pilipino ang salitang ‘kilig’ na nananatiling walang direktang katumbas sa Ingles. Mahuhuli ito mula sa maliliit na detalye ng pag-arte ng mga tauhanhanggang sa mas lantad nilang mga kilos—mula sa impit na pagtili at hagikgik hanggang sa maliksing paglundag at ikot sa entablado—nananalaytay ang kilig sa dugong Pilipino at ramdam ito sa bawat pagbitiw ng linya sa dula.

Kapuri-puri rin ang masusing paghabi ng produksyon ng masining na koreograpiya sa masiglang musika. Binigyang buhay ng disenyo ni Julia Macuja ang mataimtim na espasyo ng Gonzaga Fine Arts Theater kung saan lahat ng galaw ng mga aktor ay hindi maiwawaglit sa paningin ng bawat manonood. Damang-dama ang bawat malikhaing desisyon, wikain man o hindi. Mula sa lagitik ng mga yapak hanggang  ng pilantik ng mga daliri, hayag ang sinsin at intensyon ng produksyon.

Nagsimula ang dula sa korteng puno ng pagkataranta; kaliwa’t kanang hidwaan at bantaan ang laman ng balita. Sa paggalaw ng kuwento mula sa kabihasnan patungo sa kakahuyan, mas napalalim ng dula ang pagpapakahulugan sa pag-ibig—hindi ito nakapiit sa iisang kaanyuan. Bagaman may pagpapahalaga sa kaligayahang hatid ng pangingibig, hindi maaaring iwaksi ang mga kaakibat nitong pasakit. Habang nananatiling komedya, may mga pagkakataong nang-uudyok ng pagdududa ang dula sa mga manonood: Ganito ba talaga ang umibig?

Mahalagang isaisip na sadyang iba ang orihinal na kontekstong buhat sa isang lipunang ni hindi pinahihintulutang makatapak sa entablado ang isang babae. Ginagawa ng Tanghalang Ateneo ng mas makabuluhan sa kasalukuyan ang isang dula mula sa ika-17 siglo sa pamamagitan ng pagdidiin sa karanasan ng mga Pilipina—ngunit hindi upang ihiwalay sila, kundi upang himukin ang madla na linangin ang kritikal na pagtanaw sa pag-ibig bilang puwersang nagdudugtong at nagliligtas.

Sa bersyon ng Tanghalang Ateneong umiiral sa panahon kung kailan tila gasgas na ang naratibo ng romansa, nagtataglay ang Paano Man ang Ibig ng kakaibang lakas: itinatanim nito ang isang klasikong dula sa puso ng kontemporaneong Pilipino nang may pagkiling at paggalang sa karanasan ng kababaihan. Sa paglalapat ng bagong tinig sa mga tema ng pag-ibig hindi lang sa iba, kundi pati sa sarili, hindi kailangang masaksihan ang orihinal na bersyon upang mahikayat ang manonood sa halaga ng dula.

Ipinabatid nina Chloe Abella at Meeka Sayaboc sa kanilang mahusay na pagganap bilang Rosalinda at Orlando ang pagpapaalala sa nag-aalab na pagbuhay ng kabataang artista sa isang klasikong teksto. 

Pag-ibig bilang pagtalima 

Karaniwang itinuturing na pinaka-pangunahing kilos ng tao ang umibig, mas likas kaysa sa iba pa nitong kagustuhan. Sa kabila ng kahalagahan nito, nananatili itong misteryo, isang damdaming hindi lubusang nauunawaan o nasasaklaw. 

Ipinapaalala ng dula ang pag-ibig bilang isang bagay na hindi maaangkin, sapilitan man o pagsusumamo. Ito’y isang puwersa na humuhubog sa pagkatao, umuugnayng sarili sa iba, at mas nagpapayaman sa saysay ng ating pag-iral. 

Sa masaganang kalupaan ng Gubat ng Ardén, nakatanim ang mga lihim na sulyap at impit na kilig sa bawat tagpuan ng mga pusong nagmamahal. Sa mga pagsintang ito yumayabong ang pag-ibig na nagbubunga ng kalayaan at nagpapaalala na ang tunay na halaga ng buhay ay masusumpungan sa kakayahang magmahal ng sinuman—kailanman, saanman at paano man ang ibig. 

Si Jonela Marides Palonpon ay mag-aaral sa kaniyang ikalawang taon ng AB Communication. Sa paniniwalang pinakamainam na sisidlan ng pag-ibig ang tula, matatagpuan sa kaniyang Substack (https://jonelamarides.substack.com) ang mga hamak niyang pagtatangkang maisalin sa salita ang mailap na kariktan ng pag-ibig, buhay, at iba pang bunga ng madalas niyang pagbubulay-bulay.

Nag-aaral ng Pilosopiya sa Ateneo De Manila University si Ben Bajar at siya’y nasa ikalawang taon na nito. May interes siya sa panitikang Pilipino at Kontinental, gayundin sa pagninilay ng mga bagay na may kinalaman sa karanasang Pilipino. Patuloy niyang hinahanap ang saysay ng mga bagay na baligho upang bigyang katuturan ang kanyang pag-iral sa mundo.

Want to be featured on HEIGHTS?

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!