Katotohanang Binalabalan: Pagsisipat sa Hangganan ng Artistic Freedom sa Pilipinas kong Mahal with All the Overcoat

Bea Frago at Jim Caponpon
November 8, 2025

Umalingawngaw ang pintig ng mga panaghoy sa Pilipinas kong Mahal with All the Overcoat na tumapos sa twin bill na produksyon na Makibaka Huwag… ni Jethro Tenorio. Halaw sa panulat ni Eljay Castro Deldoc, handog ng Ateneo ENTABLADO, sa kanilang ika-43 na tagdula, ang isang produksiyong lantarang ipinalilitaw ang mas malagim na hamong dala ng pag-iral ng makabagong teknolohiya sa pagtataguyod ng katotohanan. Hindi lamang nito sinisipat ang pagiging balakid ng modernisasyon sa responsableng pagsasalaysay ng kasaysayan, ngunit itinutuon din nito ang usapan sa mas malawak na dimensyon ng pakikibaka: ang mga tuksong bumubuo ng agam-agam sa pagtindig sa katotohanan.

Bumungad sa madla ang mapang-uyam na palitan ng banat kina Ambet at Nato sa kanilang mga limbag na historical fiction sa dikasure.com. Batid ng produksiyon kung paano huhulihin ang kiliti ng madla. Saktong timpla lamang ng libang at drama na may kaunting halo ng kilig, kuha na agad ng dula ang antig ng manonood kahit pa ang mga persona ay lumilikdang ng panahon. Mula sa tradisyunal na pamamaraan ng pagtangis gamit ang pagbasa ng sinulat na liham kay Oryang, hanggang sa paggamit ng mga modernong termino sa historikal na konteksto tulad ng Beking Katipunera at Tomboy na Rebolusyonaryo, nasungkit ng produksiyon ang atensyon ng madla sa pag-upo sa dula hanggang sa kahuli-hulihang bahagi ng yugto.

Kapansin-pansin ang pagiging mapang-uyam ng dula hanggang sa pinakapinong detalye nito. Sa pagpapangalan pa lamang ng mga tauhan, mahihiwatigan ang satirikong pagbali sa ngalan ng mga tanyag na historyador na sina Ambeth Ocampo at Renato Constantino. Maging ang bantog na mamamahayag ng Rappler na si Pia Ranada ay hindi nakaligtas sa isa sa mga hirit ni Nato kung saan kaniyang inihalintulad rito ang pagiging praning sa katotohanan ni Ambet. Kakikitaan ng paghalaw sa politikal na mga personalidad ang mga banat sa pagitan ng dalawa, na sumasalamin sa kung paano ginagawang laman ng mga pang-araw-araw na biro ang naturang mga tagapagtaguyod ng katotohanan.

Mahihinuhang sa ganitong hulma ng porma ng pagbali rin napukaw ang mga manonood sa unang yugto ng pinanggalingan nitong twin bill. Gayunman, ang pagbali na ito ay naging sentro mismo ng dula: pagbali sa kasaysayan ng Pilipinas, pagbali sa katotohanan, pagbali sa hangganan ng artistic choices ng mga tauhan, hanggang sa mismong ang mga pinangangaral na ng dula ang tila nabali nito.

Tagisan ng artistic freedom

Batid na likas sa sining ang maging malaya. Hindi man tahasang binanggit o ipinakita sa dula, masasabi ring ito ang pangunahing dahilan kung bakit nagsimula ang determinasyon ng mga bida sa pagsulat—isinilang na ang sining sa mismong sandali na ang ideya nito’y naisaisip. Kaya’t makailang ulit na binalaan ni Ambet si Nato sa mas malaking implikasyon ng kanilang kalakaran sa pagsulat ng mga content. Kalakip ng kanilang paglilimbag ng mga artikulo ang karagdagang salaping pumapasok sa kanilang mga bulsa at pagkakakilanlang nararating ng mga likha. Kung gayong may pagkabagabag na dala ang gawaing nagpapaangat sa kanilang kinalalagyan, masasabi ba nating malinis ang hagdanang kanilang tinahak? O ito’y isang paglalakbay na unti-unting nagpalabo sa hangganan ng tama at kapaki-pakinabang, kung gayong kaakibat din ng dedikasyong ito ang pagpurga sa konsensiya ng sikmurang nilalamnan nito? Likas sa sining ang maging malaya, ngunit hindi nito nasisiguro ang pagpapalaya sa lahat ng pagkakataon.

Nauupo ang mga bida sa tunggalian ng paninindigan sa prinsipyo at pagpapatuloy ng nakagawiang trabaho. Para sa ilan, namamayani ang pagkapit sa patalim kung ito na lamang ang nalalabing paraan ng pagkapit sa buhay na marahas. Ngunit, hindi na lamang natatali sa paglikha ng sining bilang paraan ng pamumuhay o paggamit ng laya ang kanilang gawi dahil binalot na ito ng kasakimang sarili at iilan lamang ang nakikinabang. Sa huli, nananatiling may hangganan ang laya kung hanggang saan natin maaaring gamitin ang likas na kalayaan ng sining. 

Hangganan ng artistic freedom sa mismong dula

Mabisang nagamit ang artistikong istilo ng dula upang punahin ang mga napapanahong isyu sa labas ng silid-tanghalan. Naging tampulan ng biro ang mga katauhan ni Mary Grace Piattos at Pangalawang Pangulong Sara Duterte na nagbukas ng diskurso sa mas malawak na suliranin ng pandarambong at pang-aabuso sa kaban ng bayan.

Magandang punto ng diskusyon din ang nalikha ng dula hinggil sa kung hanggang saan ang kayang lunukin ng mga historyador makapaglabas lamang ng mga artikulong mapagkakakitaan nila sa publiko. Bukod sa tahasang pagbabaluktot sa kasaysayan sa kanilang mga akda, itinuon ng dula ang madla sa mas malawak na gapos na dala ng artificial intelligence (AI) sa mga limbag-kasaysayan. Kabalintunaan kung mapapansin na naging historyador sa kanilang makasariling pamamaraan sina Ambet at Nato na ngala’y batay sa mga totoong historyador na pinag-aaralan at itinutuwid ang pag-unawa sa nakaaraan. 

Gayunman, hanggang saan nga ba ang hangganan upang matanggap ang presensya ng AI sa mga likhang sining? Kapuna-punang parikala ang paggamit ng teknolohiyang kinukuwestiyon upang pagnilayan ang mismong isyu nito. Sapat na ba ang simpleng disclaimer upang maibukod ito sa mga kaparehas na obrang nasangkot sa isyu ng usaping teknikal at karapatang ari? 

Batid na likas sa sining ang maging malaya. Nagamit ang kalayaang ito sa pagbabago ng direksiyon ng orihinal na panulat ni Eljay Castro Deldoc sa Pilipinas Kong Mahal with All the Overcoat kung saan ito’y bahagyang lumihis ng pagwawakas upang maitambal at maiayon sa pagwawakas ng naunang dula sa serye ng twin bill, ang Paraisong Parisukat ni Orlando Nadres. Maging ang mga tauhan, hindi nakalagpas sa pagkakaroon ng pag-iiba tulad ng kasarian ng mga alalay na minsa’y babae, minsa’y lalaki sa iba’t ibang oras at araw ng pagtatanghal. Sa mga pagbabagong ito, paano nakaaapekto sa buong naratibo ang pag-iiba ng daloy ng kuwento o di kaya’y ng mga tauhang gumaganap dito? Hanggang saan nananatiling mapagpalaya ang layang pinanghahawakan ng manlilikha ng sining?

Makibaka, Huwag… o Makibaka, Huwag.?

Hindi na bago ang mga tulad ni Nato na papatusin lahat ng mapagkakakitaan, may ipangtustos lamang sa kaniyang batayang mga pangangailangan. Kung pagmimilian, ganito rin hinulma ang panauhan ni Isya sa naunang dula. Ugat ng kanilang agam-agam na baliktarin ang umiiral na sistema ay ang kaginhawaang tiyak na bubuhay sa kanila sa panibagong araw na nag-aabang—kaginhawaang matatamo lamang nila sa oras na kumampi sila sa mismong sistemang bumibiktima sa kanila.

Subalit, maipagtatapat ba ang tauhan ng dalawang dula gayong tumpok na ng salapi ang kinikita nina Nato? Gayong nakapagpatayo na sila ng sarili nilang bahay-opisina sa sarili nilang kita? Taglay nina Nato at Ambet ang pribilehiyo na wala si Isya. Nasa kanilang mga kamay na mismo ang pribilehiyo na magkaroon ng pamimilian—ang pumili ng sarili nilang kapalaran. 

Dito lumalabnaw ang mensahe ng pakikibaka sa mas malawak na imahen ng twin bill na pinagmulan nito. Nawaglit ang bigat ng ipinaglalaban ni Ambet—hinggil sa kawastuhan ng kasaysayan—sa sandaling binunyag na ang dahilan ng pagtaliwas niya sa kalakaran ng dikasure.com ay ang pagkakasangkot niya sa karibal na kompanyang sulatingbayan.com. Nagbukas ng pagkakataon ang isiniksik na bahaging ito sa istorya upang bigyang-katwiran ang pagiging mapang-abuso ni Nato sa pagtrato sa kasaysayan bilang isang materyal na mapagkakakitaan para sa pansariling kagustuhan. Ganoon na lamang ay naging instrumento ang pagtataksil ni Ambet upang umani si Nato ng simpatya sa madla at basta-bastang makatakas sa malaking atraso nito sa bayang ninakawan niya hindi lamang ng katotohanan kundi ng pagkakakilanlan.

Dito, nakaligtaang bumalik ng dula sa pinakaunang aral na sinusubukan nitong tumbukin: May danak ng dugong umaawas sa bawat tintang ipinanunulat sa makasariling pamamaraan.

Jim Caponpon is an AB Communication sophomore who writes from his inner reflections on the art of decay. Drawn to the bittersweet pulse of his life in the city, his words linger on the looming uncertainty between life and art, longing to understand, and to be understood. Find more of his works @yojimboo_.

Bea Frago is a junior studying Diplomacy and International Relations with a minor in Korean Studies. Despite the inherently global nature of her path in the academe, she makes meaning of her existence and struggles through Filipino, her mother tongue. Bea is not a writer; she simply attempts to share the raw and unfiltered words tangled in her head.

Recommended for you

Thank you! Your submission has been received!
Oops! Something went wrong while submitting the form.

Want to be featured on HEIGHTS?

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!

Passionately made by User Experience Society