Disenyo ni Kiyo Manook
Inilalarawan ng Common European Framework of Reference for Languages ang tatlong antas ng kasanayan sa wika bilang Beginner, Intermediate, at Advanced. Isa itong pamantayan upang masukat kung gaano katatas ang isang tao sa pag-unawa at paggamit ng isang wika mula sa mga payak na pangungusap ng isang baguhan hanggang sa masalimuot at masining na pagpapahayag ng isang bihasa.
Sa kabila ng lawak ng ating bokabularyo, may mga pintig ang kalooban na tila hindi pa rin sapat ang kahit anong sambitla upang ilarawan. May mga anyo ng lungkot, pananabik, o pagkalito na lumalagpas sa mga salitang mayroon ang isang tao.
Pagbabaybay sa mga paunang hibla ng pagdama
Pinakapangunahing yugto sa pagkatuto ng isang wika ang Beginner na antas. Dito, nagsisimula pa lamang ang isang tao na makilala at maunawaan ang mga batayang elemento ng wika tulad ng mga simpleng salita, pangungusap, at pangkaraniwang pahayag na ginagamit sa araw-araw na sitwasyon. Sa pagiging turista sa banyagang bansa, makakaya nang magpakilala ng isang tao at makabasa ng mga karatula o senyales, ngunit hindi pa ganap na nauunawaan ang kultura sa likod nito.
Habang kinikilala ang bagong nakakasalamuha, may kakayahan ang isang indibidwal na makakita ng emosyon, ngunit nananatiling limitado ang pag-unawa sa lalim at konteksto ng mga ito. May mga sandaling tila parang bukas na aklat ang kaharap na kapwa. May lungkot sa mga mata, galak sa halakhak, at pagod sa buntong-hininga. Tila sapat na ang pagkaunawa. Madalas umaasa sa sinasabi, sa mga salitang malinaw, sa mga pangungusap na madaling hulihin ng pandinig. Tinatanggap iyon bilang katotohanan, inaakalang payapa na agad ang kalooban. Ngunit may sariling balarila ang bawat katauhang hindi agad nauunawaan ng mga salitang minamadali. May mga pangungusap na binibigkas ng katahimikan, may mga talatang nakasulat sa pagitan ng mga kilos lamang.
Lapat ng kahulugan sa pagitan ng mga patlang
Sunod naman ang Intermediate na antas ng kakayahan kung saan higit na marunong nang makipag-usap ang indibidwal ngunit hindi pa ganap na malalim o perpekto ang paggamit niya ng wika. Sa antas na ito, nakakapagsalita at nakakapagpahayag na nang may kumpiyansa ang isang tao, ngunit may mga kakulangan pa sa pagiging mas malalim, mas malinaw, at mas wastong paggamit ng wika.
Sapagkat hindi ito natututuhan ng mga hindi nagpapahinuhod sa panahon. Hindi natatapos sa unang pagbasa ang aklat ng debosyon. Marahil noong una, sapat na ang ibig sabihin ng mga salita. Na kung ano ang sinabi ang siyang kabuuan, na kung ang “ayos lang” ay ayos nga lamang. Para bang saradong sisidlan ang wika na may malinaw na laman, may tiyak na kahulugan. May mga pagkakataong nasa paraan ng pagkakasabi ang tunay na mensahe. Nasa ngiting kusa at marahang lumalabas sa labi kapag may balitang ikinatuwa, nasa pilit na pagtawa na halos hindi tumatawid sa mga mata, o nasa paraan ng pagbanggit ng pangalan ng isang taong mahalaga.
Sa pelikulang Gitling (2023) ni Jopy Arnaldo, tampok ang bidang si Jamie, isang Filipina na kliyente upang magsalin ng lengguwahe at may hilig sa malikhaing pagbuo ng sariling wika, at si Makoto, isang Hapon na direktor ng pelikula. Umiikot ang kuwento sa pagiging magkatrabaho nina Makoto at Jamie sa isang film festival kung saan nahikayat ang direktor na pakinggan at intindihin ang imbentong wika nito. Para kay Jamie, personal at paraan ng pagkilala sa sarili ang mga likhang salita. At sa matiyagang pagkilala sa bawat pantig at ritmo ng banyagang wika, nagbukas din ang pag-unawa sa mas malalim na katauhan ng kapwa.
Taimtim ditong inuusal at inaaral ang mga pariralang hindi pa lubusang tiyak ang kahulugan ngunit may pananalig na darating ang araw na magiging pamilyar na sa lalim nito. Bitbit ng bawat pagbigkas ang tinig na humahabi sa pagitan ng puso at isipan na hindi basta nauunawaan sa unang saglit, ngunit unti-unti’y tumitibay at nagiging bahagi na ng sarili. Nagsisimula ang pagsasalin mula literal tungo sa personal, sa pagitan ng mga talinghaga, sa bawat hininga na tangan ang alingawngaw ng bugsong hindi kayang ilarawan ng pangkaraniwang salita.
Ganap na pag-unawa sa wikang walang salita
Sa panghuling antas ng kasanayan sa wika, tinutukoy ang Advanced bilang kakayahang makipagtalastasan nang malinaw at maayos, kung saan mayroon nang sapat na kaalaman ang isang indibidwal hindi lamang sa gramatika at bokabularyo kundi pati na rin sa konteksto, tono, at implikatura ng wika. Naipapahayag na ng tagapagsalita ang masalimuot na ideya nang hindi kailangang ilahad ang bawat detalye, sapagkat naiintindihan na ang mensahe sa pamamagitan ng mga palatandaan. Masasabing bihasa na sa lengguwahe kapag narating na ang yugtong ito.
Habang tinatalakay namin ng isang kaibigan ang Gitling, kaniyang nabanggit na lumilikha ng bagong salita ang paggamit ng gitling sa pagitan ng mga salita. Mayroon silang sariling kahulugan, ngunit kapag pinagsama, nabubuo ang bago at natatanging ibig sabihin. Hindi nawawala ang saysay ng bawat salita sa tuwing magkahiwalay, ngunit kapag pinagdugtong, nakakalikha ito ng bagong katuturan at nagbibigay ng kakaibang diwa. Marahil, ito ang kagandahan ng paglikha ng isang bagay na bago: natututo tayo habang natutuklasan ang kagandahan nito.
Gaya ng libong umiiral na lengguwahe sa mundo, hinuhubog ng panahon, ng pagkakamali, at ng mga sandaling hindi pagkakaintindihan ang pagiging matatas sa wika ng pag-unawa. Inaabot ng magkahalong kabiguan at lakas ng kalooban bago marating ang rurok ng pagsasapantaha ng damdaming hindi naaabot ng pandinig. At sa puntong ito, may mga bagay na hindi na kailangang sambitin dahil ang hindi nasabi ay nauunawaan na rin. Para bang ang konteksto ng buhay ng bawat isa ay unti-unting nagiging pamilyar na lupa kung saan pareho at sabay nang nakatayo. Naglalaman ng higit pa sa kayang dalhin ng mahahabang pangungusap ang isang gatiting na salita. Hindi na lamang ang mga salita ang natututuhan kundi pati na rin ang katahimikang kanilang iniiwan. Ang kaibahan, nasa tabi na ang gaan ng katahimikang payapa kapag alam mong ligtas kang mananatili.
Walang huling yugto
Hindi nagtatapos sa payak na pag-alam ng pagkaing kinasasabikan, kulay na kinagigiliwan, o uri ng palabas na kinahuhumalingan ang pagdulog sa lalim ng isang tao. Higit pa rito, ito’y isang taimtim na paghahangad na masilip ang pinag-uugatan kung bakit ang kagustuhan sa siomai ay higit pa sa isang panlasa kundi isang paanyaya sa matatamis na alaala ng nakaraan, kung bakit sinasalamin ng kulay dilaw ang liwanag at gaan ng kalooban, at kung paano nagiging daluyan ng buhay na umaapaw sa maningning na pagkatao ang bawat indak at musika ng teatrong palaging inaabangan.
May wika ang pagdamdam. Sa pagitan ng libong nasabi at hindi sinabi, tinitiyak ng puso na may daan pa rin upang maintindihan ang pasikot-sikot ng isang pagkatao. At kadalasan, hindi sapat ang pagkakaunawaan lamang. Dahil sa pag-aaral ng wika ng mga banyaga, kinakailangan ng mabusising pagtataya ng oras at tiyaga na aralin ang bawat pahina ng kanilang diksyonaryo upang balang araw ito’y makakayanan nang bigkasin. Dahil sa pag-aaral ng wika ng isang tao, kinakailangan ng pagtanggap at pagyakap sa lantarang ipinakikita kung ano at sino siyang ipinagsumasamo (dahil may sariling kahulugan din maging ang kawalan ng wika).
Ngunit, hindi lamang sa balangkas at antas na narating nasusukat ang kabuluhan at dedikasyon sa pag-aaral ng isang wika. Walang tiyak na panahon kung gaano katagal matututuhan ang isang lengguwahe. Maaaring abutin ito ng ilang buwan o ilang taon, depende kung gaano kasigasig na ilubog ang sarili sa banyaga, sa mga bagay na bago at hindi pa kilala. Maraming bagay din ang maaaring mangyari sa paglaon ng panahon. Posibleng tumigil ang isang tao sa pag-aaral ng isang wika, o di kaya’y makahanap ito ng panibagong wikang kaakit-akit na tuklasin. At kahit matapos na ang kurso o nakatakdang panahon na nakalaan para pag-aralan ito, may mga alab na patuloy pa ring sumisiklab upang bigkasin ang wikang minsang nakagawian ng mga dila natin. At kung mga salita at parirala ma’y limot nang sambitin, nananatiling nananahan ang nalalabing kaalaman kung paano ito minsang inusal ng mga labi natin.
Bea Frago is a senior studying Diplomacy and International Relations with a minor in Korean Studies. Despite the inherently global nature of her path in the academe, she makes meaning of her existence and struggles through Filipino, her mother tongue. Bea is not a writer; she simply attempts to share the raw and unfiltered words tangled in her head.
We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!