Nakakahong Palaisipan ng Pakikibaka na Tangan ng mga Manggagawa sa Paraisong Parisukat

Bea Frago at Jim Caponpon
October 29, 2025

“Ang paraiso yata’y talagang matatagpuan sa impyerno.”

Marahang iniyapak ng Ateneo ENTABLADO ang madla sa iba’t ibang landas na pinanggalingan ng mga manggagawa sa dulang Paraisong Parisukat, ang unang dula sa twin bill na produksyon na Makibaka! Huwag… ni Jethro Tenorio, isa sa mga batikang guro ng Kagawaran ng Filipino. Hango sa screenplay ni Orlando Nadres, inilantad ng dula ang realidad na tinatamasa ng mga manggagawa sa huwad na paraisong kumakahon sa kanilang pangarap na mamuhay nang maalwan sa kasagsagan ng Batas Militar.

Kagyat na itinambad ng dula ang kabalintunaan ng naturang paraisong parisukat—ang bodega ng Mira Shoes sa Maynila na naging lunsaran ng ilang taon na ligaya’t hapis ng mga manggagawa nito. Sa disenyo ng silid-tanghalan pa lamang, mapupuna ang baliktad na paggamit ng Rizal Mini Theater. Karaniwan, nakaupo ang madla sa mga silyang bumabaybay pababa sa entablado, ngunit sa serye ng mga dulang itinanghal, nasa lapag at patag ang mga manonood habang binabaybay paakyat ng tingin ang tanghalan. Banayad na inilalatag ng herarkiya ng hagdanan ang pagwawangis ng isang istrukturang umiiral sa lipunan kung saan may nakatataas, may tinitingala; may nakabababa, may minamata.

Parikala ring maituturing ang mabibigat na panawagang lakip sa masisiglang tono ng mga awitin tulad ng “Christmas Bonus” ng Aegis at “Haligi ng Maynilang The Jerks na tampok sa umpisa at pagitan ng bawat dula. Bumabalik-tanaw ang mga awiting ito sa mga himig noong dekada nobenta na naging kanlungan ng mga manggagawa sa kanilang pagbabanat ng buto. Sa ganitong paraan, mabisang naiparinig sa dula ang naging gampanin ng radyo na kadalasang bitbit sa mga eksena bilang tagapag-ugong ng kolektibong daing ng masa sa kabila ng lantarang pambubusal ng diktadura sa midya.

Sandamakmak mang pagsasalungat ang hatid ng bawat sulok ng bodega, unti-unti nitong sinilid ang sari-saring hangarin ng bawat manggagawa sa sentro ng magkakatulad na dalamhati. Tanaw ang iba’t ibang wangis ng hangaring ito sa katauhan nina Isya, Emy, Belen, Tomas, at Al.

Takong sa aktong nakikibaka

Agad na itinatag ng kondisyon sa loob ng bodega ang mas malinaw na suliraning pinapasan ng mga manggagawa sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Bagaman nagtataglay ng mga biruan at halakhakan ang silid na pinagtatrabahuhan, hindi lumalayo ang dula sa katotohanang walang kahit sinong nasa puwesto at kahit anong panukala ang magpapatahimik sa bawat daing na kinikimkim ng mga manggagawang pagod na sa sistemang mapang-alipusta. Tulad nina Emy at Al, hindi mapipigilan ang paghihimutok ng mga indibidwal na inaalipin ng estado. Tulad ng ipinakita sa dula, kalaunang humahantong ang nagsama-samang paghihimutok sa paglulunsad ng isang organisadong poot at galit tulad ng Kilusang Mayo Uno.

Kalakasan din ng dula ang patas na pagtalakay sa iba’t ibang imahen ng manggagawa, lalo ng samu't saring kababaihang tampok sa akto. Mayroong mahinhin, matiisin, iyakin, altahin, ngunit tumutuntong ang lahat sa iisang kapalaran: kahit iba’t iba ang sukat ng mga takong na bumubuhat sa hakbang ng bawat binti, hangga’t hindi lapat ang espasyong sumasalo sa yabag ng mga paa, mananatiling may bigat at tunog ang pagkilos nito. Kahit iba’t iba ang danas at antas sa buhay ng mga nagsusumikap at naghihikahos, hangga’t hindi patas ang mundong kanilang ginagalawan, mananatiling may pwersa at kalampag ang pag-iral ng mga ito. Hindi simpleng kamalasan ang tinatahak ng mga kababaihan sa bawat araw; kaakibat ng magkahalong pagtitimpi’t palahaw sa loob ng bodega ang mga personal na indang hindi mawawalay sa mas malawak at mabigat na usapin—ang personal ay politikal.

Bagaman inihahatid ng dula ang pasikot-sikot na paglalaro sa isipan ng mga manonood sa pamamagitan ng mga yugtong halaw sa totoong mga pangyayari,  lantarang inihain ang mga historikal na impormasyon sa screen matapos ang bawat eksena. Mainam na winakasan na lamang ang dula sa pagguho ng gusali imbis na magpaskil ng paliwanag sa kaugnayan nito sa naging trahedya sa Manila Film Center. Bukod sa bahagyang nabawasan ang kapasidad ng madla na himayin sa kanilang sarili ang mga mensaheng kubli sa eksena, mapaglalaanan pa sana ito ng pagkakataon na kamitin ang angking bigat sa mas payak at natural na paraan. 

Yabag ng mga niyurakan

“Here at Mira shoes, I shoes (choose) you.”

Malinaw na naiparating na dula na ang pagiging isang trabahador sa sapatusan sa mga kagaya ni Isya ay isang buhay na mahirap lisanin at buong loob niyang pinipili. Bakas sa kaniyang pagkandaili sa tanging medalyang pumulupot sa kaniyang leeg ang pagtanaw sa bawat sulok ng bodegang kumupkop sa kaniya mula nang maulila. Kahit sardinas at kamatis lamang ang hain sa hapag, ang marangal na trabahong ito ang bumusog sa kumakalam niyang sikmura. Higit sa lahat, ito ang kumilala sa kaniyang dangal; sa kaniyang pagiging tao lalo sa lipunang lubog sa patriyarkal na kontrol. Sa pitong taon nitong pamamalagi, itinuring niya na ang Mira Shoes bilang sarili niyang paraisong parisukat—makulay, nagbibigay-buhay, ngunit kwadrado at limitado. 

Gayunman, sumasalungat ang pagiging kuntento ni Isya sa dalanging kinabukasan ng kaniyang mga kapwa manggagawa. Para sa kanila, hangad lamang nila ang umalpas sa parehong paraisong bumilanggo din sa kanilang mga pangarap. Inaasam lamang ni Al na makaahon mula sa pagtitiis sa kung ano ang meron at makakayanan. Nais lamang ni Tomas na matustusan ang pito niyang anak na nakaambang tumigil sa pag-aaral. Ibig lamang ni Belen na mabuhay nang hindi inaalala ang pagkakatanggal niya sa trabaho dahil sa kaniyang pagdadalang-tao. Iba-iba man ang wangis, ramdam ang lubhang pagtangis ng kaniyang mga kapwa-manggagawa sa hindi makataong kompensasyon sa trabahong mula alas otso ng umaga hanggang alas otso ng gabi.

Kaya mauunawaan din ang pagngingitngit sa galit ni Al. “Ayoko sa mga Isya ng mundong ito,” ang pagsasambulat niya sa maamong pagmumukha ni Isya na patuloy ang pagtatrabaho sa isang sulok sa kabila ng kaliwa’t kanang pagwewelga hinggil sa kontraktwalisasyon. 

Sa pagwawakas ng pamagat sa tatlong tuldok, nagwakas din ang unang akto sa hindi mawawakasang pagmumulto kung hanggang saan nananatiling kasabwat ng estado ang mga biktima nito. Nag-aambag ba sa umiiral na sistema ang mga gaya ni Isya na hinahangad na manahan sa parehong lugar na alam niyang magpapanatili sa kasalukuyang lagay ng buhay niya? O sapat na sa kanilang maitawid ang pang-araw-araw sa ngalan ng buhay na patuloy na inilalaban habang binibiktima ng masahol na sistema? 

Kagaya ng minsang sinambit ni Tomas: “Ang paraiso yata’y talagang matatagpuan sa impyerno.”

Jim Caponpon is an AB Communication sophomore who writes from his inner reflections on the art of decay. Drawn to the bittersweet pulse of his life in the city, his words linger on the looming uncertainty between life and art, longing to understand, and to be understood. Find more of his works @yojimboo_.

Bea Frago is a junior studying Diplomacy and International Relations with a minor in Korean Studies. Despite the inherently global nature of her path in the academe, she makes meaning of her existence and struggles through Filipino, her mother tongue. Bea is not a writer; she simply attempts to share the raw and unfiltered words tangled in her head.

Recommended for you

Thank you! Your submission has been received!
Oops! Something went wrong while submitting the form.

Want to be featured on HEIGHTS?

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!

Passionately made by User Experience Society