Quomodo Desolata Es? Kápit at Alaala sa Nakaraan

HEIGHTS Ateneo
September 10, 2025

Sulat ni Nikóy Cornel

Paanong pinabayaan ka, lungsod ng Diyos! Ang siyang umaalingawngaw sa wikang Latin habang naglalakad si Bitoy Camacho sa mga guho ng lumang lungsod Intramuros. Lungsod na minsang tiningala bílang Perlas ng Silangan, napag-iwanan ng nagbabagong lipunan, at, ngayon, halos nagunaw sa bagsik ng digma. Naging alaala ang siyang minsang dakila, at, ngayon Agosto, muling binuhay ni Guelan Varela-Luarca sa dulang Quomodo Desolata Es? Isang Dalamhati sa Hyundai Hall ng Areté. Umiikot ang dulang ito sa mga ilang huling sandali ng Pamilya Marasigan bago, tulad ng Intramuros, nilamon sila ng digmaan. Ang minsang tingaláing pamilya ng alta sociedad ng Maynila, naghihirap na at hindi makaakma sa nagbabagong Maynila, ngunit patuloy pa rin silang nabubúhay at binabangungot ng nakaraan. Sadyang mapanlinlang ang kápit at alaala ng nakaraan.

Mahaba na ang naging kasaysayan ng dula. Una itong lumabas sa 1950 bilang manuskrito ng A Portrait of the Artist as Filipino ni National Artist Nick Joaquin, at Barangay Theater Guild naman ang unang humalaw at nagsadula nito noong 1955. Gaya ng 1965 na pelikula ni National Artist Lamberto V. Avellana na kasimpamagat ng orihinal, pinagbatayan din nina Luarca ang 1955 na dula. Kayâ, sa pagsisiyasat na ito, hindi maiiwasang paghahambing. 

Contra Mundum

Intramuros: ang minsang tugatog ng yaman at kultura ng buong kapuluan gayunding kanlungan ng alta sociedad ay ngayong malumbay, baldado, at napag-iwanan na ng Maynila ng 1941. Ito rin siyang sinapit ng isa sa mga bantog nitong mamamayan, ang matandang ilustrado at pintor na si Don Lorenzo “El Magnífico” Marasigan. Kasama ang mga anak niyang tumandang dalaga na sina Candidá (Delphine Buencamino) at Paula (Gab Pangilinan), sila na marahil ang huling kanlungan ng diwa ng luma at palahong lungsod. Pinaglumaan man ang paligid, ang bago nilang larawan ang sanhi ng mga intriga: ang likhang alay ng Don sa dalawa, ang “Retrato del Artist A Como Filipino,” Larawan ng Artista bílang Filipino. Tinagurian itong pambansang pamanang-yaman, burgesang kalat, at pangkolekta. Sa nangungupahang taga-piano sa bodabil sa mga Marasigan, susi ng pag-asenso ito ni Tony Javier (Vino Mabalot / John Sanchez) at kasosyo siya ng isang Amerikanong kolektor. Ngunit, para sa magkapatid, parusa itong dapat pasanin bilang mga nambaldado sa ama. 

Maputulan man sila ng kuryente. Makiusap man ang ninong nilang si Senador Don Perico (Brian Sy), at magpumilit man ang kapatid nilang si Manolo (Jethro Tenorio / JJ Ignacio) at Pepang (Maita Ponce). Magmakaawa man si Tony kasama ang trahedya ng búhay niya at ang sampung libong dolyar na alok ng Kanô. Kahit pa pag-awayan ng magkapatid ang pera at rahuyuin pa ni Tony is Paula. Winasak nina Paula at Candidá ang larawan, at nanindigang mananatili sa piling ng ama. Hindi man lumaya sa hirap at hiya, lumaya pa rin sila sa layaw ng alaala ng pinaglumaang panahon—malaya sa tuluyang pagkagunaw ng mundong kanilang kinagisnan. Gunita na lámang ang lahat ng ito para sa binatang peryodistang si Bitoy Camacho (Omar Uddin): nilamon na ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang Intramuros pati ang tatlong Marasigan.

Búhay at Kaluluwá ng Lungsod

Patay man ang dáting lungsod, kaygiliw namang binuhay ng produksiyong ito ang dula ni Joaquin, hindi lámang bilang pag-uulit bagkus makabagong paghaharaya nina Dir. Luarca sa usaping-alaala. Kanilang isinadula ang mapaggapos at mapagpalayang kápit ng nakaraan, pati ang kamatayan ng nakaraan sa alaala at pangmumulto nito sa kasalukuyan. Sa pagmumuni nito sa kasaysayan ng bansa, nanghihimok din ang dula na magmuni tungkol sa pag-alala at pagharap sa nakaraan. Kayâ, sa pagsalin ni Dr. Jerry Respeto—guro sa Kagawaran ng Filipino ng pamantasan at Artistic Director ng Areté—ng dula sa pangkaraniwang Filipino,  lalong nakatawid ang búhay at suliranin ng mga Marasigan sa kontemporanyong pag-unawa. Hindi man ginamit ang esteryotipikong “malalim” na wika ng nakaraan, ang pagwiwisik ng Latín sa tagulaylay ng koro naman ang lalong nagpadiin sa alyenasyong sa Intramuros bilang di-napapanahon at multo na dáting taginting nito. 

Pagdatíng naman sa pag-arteng ginabayan ni Luarca bílang direktor, nakuha ng produksiyong ito ang mga katangian at sinasagisag ng bawat pangunahing tauhang sina Bitoy, Candidá, Paula, at Tony, seryoso man o kakatuwa ang eksena. Halô ang lugod at pighati ni Bitoy para sa nakaraang hindi na mababalikan liban sa paghawak niya nito para sa hinaharap. Si Candidáng, bagama’t seryoso ang tikas, mapang-upasala ngunit patuloy pa ring tinitingala ang nakaraan sa paghaharaya. Si Paulang, kahit na may pagkadungô,  may nostalhiyang hanggang asa na lámang na maaari pang maibalik ang nakaraan. Tila nasasabik pa rin sila sa nakaraang naiwang limót at gumuhò sa pag-unlad—sadyang si Bitoy ang nakaranas sa ganap nitong paggunaw. Para kina Candidá at Paula, nasisiyahan silang kapuwa nabaón sa nakaraan, kasama ang amang minsang sinamba, kinagalítan, ngunit patuloy na ginagalang at minamahal. Samantala, sa tákot ni Tony sa nakaraan, handa siyang manlinlang makausad lámang mula sa hírap at kawalang-halaga. Matingkad ang pagkadesperado, pagkagánid, pagkasalaula, at pagkamalandi ni Tony bilang nakaiinis ngunit kauna-unawang tauhan. Pinakanaitanghal ito sa sumisidhing seksuwal at romantikong tensiyon nila ni Paula magmula sa pahiwatig hanggang sa kapusukan.

Kabílang din sa makabagong paghaharaya sa dula ni Joaquin ang pagdaragdag ng koro. Maraming katuwang na tauhan at mahaba ang manuskrito ni Joaquin, kayâ nakatulong ang koro sa makulay na pagpapadulas sa ilang aspekto ng orihinal. Nakahahalína rin sa tuwing nasa gilid sila, minsan si Bitoy, sa entablado upang idiin at itaguyod ang atmospera ng dula gamit ng mga tugong banayad at biglaan. Subalit, ang malamulto nilang hitsura pati kilos ang pinakanakahuhumaling, lalo na dahil hindi sila basta mga palamuti lámang. Kayâ,  gaya ng mapangaw nilang pagtagulaylay, tila mga multo nga sila ng di-matahimik na nakaraan, pati manipestasyon ng nakaraang maimpluwensiya pa rin sa pagpilì ng tao. Mas naididiin din ng koro ang paglabòng ito ng hanggáhan ng búhay at kamatayan dahil sa mga kilos nilang hango sa Butoh ng Hapón, na ani mananayaw nitong si Tatsumi Hijikata, “Ang Butoh ay isang bangkay na nakatayo nang tuwid at nag-aagaw-buhay.”

Ang Umalala at Umawit

Kabílang sa bagong paghaharaya ng dulang ito ang pagbalì ng produksiyon sa atmospera ng wakas mula sa mas mataimtim na katapusan ng kina Joaquin at Avellana, kahit na pumanaw din ang tatlong Marasigan sa tatlong bersiyon. Mas naitampok lámang dito ang malagim na pagkagunaw ng lungsod, kultura, at pamilyang minsang talà ng lipunan. Lalo pang pinaigting ng koro ang kilabot na ito, partikular nang ang mismong Birhen ng La Navál de Manila ang nagtalumpati tungkol sa mapagburang kalikasan ng panahon at digmaan. Anuman ang dulot o paraan, wala nang mababalikan kapag nakalímot na: marahang paglípas ng panahon man o marahas na pagbura ng digmaan. Subalit, may bagsik din ang labis na pananabik at tákot sa nakaraan, dahil nakapipigil ito sa kakayahan ng tao na manatili sa kasalukuyan at umusad sa hinaharap. Hindi ito tungkol lámang sa nakaraan at luwalhati nito, bagkus tungkol ito sa pag-alala at pagkápit ng tao sa nakaraan. 

Bilang karugtong sa pagpunto ni Dir. Luarca sa mga konteporanyong trahedya sa pagtalakay niya ng Butoh, maraming digmaan man ang sumalanta, tila ba ang pagpapabisa at pagpapabilis lámang ng digmaan ang tanging natutuhan, habang nalilimútan naman ang mga trahedyang kalakip nito. Subalit, káya rin ng pananabik at tákot sa digmaan na ulitin ang karumal-dumal nitong pagdurusa. Sa pagdakila ng lakas-pandigma o labis na tákot sa paniniil, sa sandata parehas kakapit ang tao. Paano kung halô ang pagkalímot, tákot, at pananabik sa digmaan? Hindi na ito kailangan pang tanungin, sapagkat ito naman talaga ang nananaig sa lipunan. Tingnan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na halos bumura sa Intramuros. Digmaang bunga ng labis  na pagtingala ng maraming bansa para sa kanilang maluwalhati umanong nakaraan, ng tákot na maaari silang masapawan ng ibang makapangyarihan, at ng pagkalímot sa kawalang-saysay ng Unang Digmaang Pandaigdig. Hindi ba at parang ganoon na rin sa kasalukuyan? Paanong pinabayaan ka, alaala ng digmaan

Pinagpalà at Kaytapat na Intramuros

Hindi pa sapat ang mga salita at papuring maaaring ibuhos sa pagsisiyasat na ito ng dula. Maraming mga tema tungkol sa pagsasalungat, balintuna, at parikala sa paggunita sa nakaraan at pag-akma sa hinaharap. Hindi lámang nabigyan ng dulang ito ng nararapat na katarungan ang pagsulat ng dakilang Alagad ng Sining sa Panitikan, bagkus muling binuhay at binaliktad pa ng produksiyon nina Guelan Varela-Luarca ang pag-unawa sa kalikasan ng alaala. Nagsasalita ang dulang ito tungkol sa mahalagang aral sa tuwing binabalikan ang nakaraan upang suriin ang kaalukuyan. Mag-agaw-buhay man ang alaala ng nakaraan, pílit pa rin itong titindig kahit na pabayaan, burahin, at baluktotin dahil gabay ito para sa hinaharap kung susubukan itong aalalahin at tatanawin nang may agwat. Kung alagaan, hindi mamamatay sa alaala ni magiging tanikala ang nakaraan.

Talasanggunian

Areté. “Set in 1941 in Intramuros, just before the onset of World War II, ‘Quomodo Desolata Es? Isang Dalamhati’ tells the poignant story of two sisters, Paula and Candida Marasigan….” Facebook, Hulyo 19, 2025, https://www.facebook.com/share/p/1A3nDUYaQN/

Avellana, Lamberto V., dir. A Portrait of the Artist as Filipino. 1965; Probinsiya Laguna, Filipinas: Diadem Pictures. Pinalabas noong Hunyo 24, 2025, sa UPFI Film Center, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon, restorasyong digital.

Joaquin, Nick. “A Portrait of the Artist as Filipino.” Sa Prose and Poems, 273–475. Bookmark, Inc., 1991. Sinulat noong 1950, at unang lumabas sa Weekly Women's Magazine at Prose and Poems noong 1952. 

Valera-Luarcan, Guelan. “Paalala mula sa Direktor ng Produksiyon: Nakatayong Bangkay, Nag-aagaw-buhay,” Quomodo Desolata Es? Isang Dalamhati (Promotional Material), tinipon ng Areté, Agosto 2025. https://heyzine.com/flip-book/20dee03597.html#page/6

Si Nikóy Cornel ay mag-aaral sa kaniyang ikatlong taon ng AB Interdisciplinary Studies (pilosopiya at antropolohiya) at nagmemenor din sa Panitikang Filipino. Makata siyang patuloy na hinahasa ang kaniyang pagtula sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo bílang fellow nito, at gayundin sa pagbasa niya ng mga tula at iba pang anyo ng panitikan sa Filipinas at ng iba pang kultura. Mahilig din siyang magsulat ng mga pagsusuri at sanaysay, pati na rin sa pag-aaral tungkol sa agham at kasaysayan. Bukod sa tula, mahal niya rin ang kaniyang kaladkaring kasintahan at apat na pusa sa bahay.

Recommended for you

Thank you! Your submission has been received!
Oops! Something went wrong while submitting the form.

Want to be featured on HEIGHTS?

We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!

Passionately made by User Experience Society