“Politics, after all, is just one big soap opera!”
Iyan ang saad ng artistang si Marga Miranda nang subukang makipagsapalaran sa isang bago at mala-telenobelang daigdig ng mga artista: ang politika.
Inihandog ng Ateneo ENTABLADO (ENTA) ang dulang Run, Marga, Run bilang unang yugto sa twin bill na PERSONALITIKA, ang panapos na pagtatanghal ng organisasyon para sa kasalukuyang taong panuruan. Sulat ito ni Adrian Ho noong 2016 na ginawaran ng unang gantimpala sa kategoryang Isang-Yugtong Dula sa Gawad Bienvenido Lumbera nitong nakaraang Disyembre. Bilang muling pagsasadula ng produksiyon, nakaayon ito sa karagdagang teksto nina Uriel Dolorfino, Joshua Tayco, at sa lahat ng bumubuo sa ENTA.
Sa pamamagitan ng mga satirikong tema, tampok ng dula ang danas ng dating artistang si Marga Miranda na nagsusumikap na maibalik ang kaniyang naglahong katanyagan sa pamamagitan ng pagpasok sa larangan ng politika. Mula rito, patuloy na bitbit ni Marga ang marka ng taong sangkot sa show business—dramatiko, mapanlinlang, at tuso—sa telebisyon o politikal na panayam.
Simple at tuwid ang naging takbo ng buhay ni Marga: dating artista na kasalukuyang tumatakbo bilang bise-alkalde. Ambisyosa sa teleserye’t telenobela, ambisyosa rin pagdating sa politika. Pamilyar kaya? Tila dating blockbuster star na sinusubukang liyabin muli ang naglahong ningning ng kaniyang kasikatan. Sa gayon, mayroong tinutumbok na dinamismo ang paggamit ng dula sa personalidad ni Marga Miranda—lumalabo ang hangganan sa pagitan ng pagiging isang artista at pagiging isang politiko.
Kaganapang Mapagpanggap
Umikot ang kuwento ng dula sa pangunguna ng mapagsamantalang drug-dependent na si Marga (Chantei Cortez/Ricci Villareal) kasama ang kaniyang mga alipores: ang manunulat at campaign manager na si Kit Buenacosa (Mavrick Ang/Toto Sabas) at ang magarbo niyang personal assistant na si Peg Batumbakal (Ron Aldwyn Abustan/Johnrick Noynay).
Sinimulan ang pagtatanghal sa pagtawag ni Marga kay Kit, kung saan lumitaw ang isang hindi inaasahang alok: ang paanyaya upang maging tagapamahala sa napipintong kampanya ng nauna sa pagkabise-alkalde ng Pacis. Agad silang kumilos nang tanggapin ni Kit ang alok, kasama si Peg na PA ni Marga, upang paghandaan ang nalalapit na eleksyon sa pamamagitan ng isang rebranding ng kandidata Inilunsad ito sa pamamagitan ng pagbalin sa nakasanayang paniniwala, pananalita, at pakikitungo ng tumatakbong artista sa kaniyang kababayan. Nang maihalal sa lokal na pamahalaan si Marga, unti-unting nasiwalat ang mga lihim at kataksilan na mistulang nagpalayo sa kalooban ng kaniyang mga naging kaakibat.
Sa kalaunan, nalaman ni Kit na tila instrumento lamang sa pangangampanya ang panandaliang relasyon nila ni Marga. Naging tapat naman si Peg at sinaad ang nararanasang abuso taon-taon at pananamantalang dinaranas upang matulungan si Marga sa kaniyang mga teleserye at kasalukuyang pagkampanya. Sa huli, habang nakahalukipkip ang mga kamay ni Marga, hindi na niya mahawakan ang iniwan ng dalawa niyang naging kaibigan: isang necktie sa kanang kamay at scarf sa kaliwa.
Kung gayon, maaari na kayang sabihin na wala nang nakatali sa pagkatao nina Kit at Marga?
Mula rito, umikot ang dula sa kanilang tagpuan upang paghandaan ang pangangampanya ni Marga. Kung sisipatin ang isang masusing detalye, nanaig ang kulay pula bilang aksento at relasyon ng mga karakter—pulang necktie ni Kit, pulang scarf ni Peg, at pulang blusa ni Marga. Mahalaga ang naging papel ng kulay pula bilang pagpapamalas sa danas ng kapangyarihan sa sistemang tila artista ang umiiral. Sa gayon, kapansin-pansin din ang kulay bilang politikal na estratehiya upang sumailalim sa isang politikal branding at kampo. Ano ba ang pula kung ‘di paglalarawan ng sistematikong kasakiman, dekadang pamamayani, at pagbitaw sa pangako ng kabukluran?
Hugpungan ng Artista’t Politika
Sa pamamagitan ng rebranding at pagsasanay ni Marga upang maging ganap na politiko, mas naging tiyak ang kaniyang layunin: maghunyango bilang ganap na politiko sa harap ng kaniyang sambayanan. Naging batid ang proseso nito sa eksenang mock interview nina Marga at Kit kung saan paulit-ulit ang pagsasanay ni Marga sa pagsagot ng mga sosyopolitikal na isyu. Bukod dito, nailalarawan sa bitbit niyang artistahing pagtanghal ang naging paraan ng pagsagot ni Marga, alinsunod sa kung ano ang catchy, patok sa madla.
Lantaran din ang pormula ng mga sagot niya: tugma sa drama, malungkot ang pananalita, at makabagbag-damdamin upang pumukaw sa puso ng mamamayan. Bagaman pagmamalasakit ang intensyon nito, nakaangkla ang ganitong proseso sa isang huwad na katayuan. Sa gayon, naging layunin ni Marga ang pagkamit ng huwarang pagkalinga upang himukin ang botante lumahok sa sistematikong laro niya.
Pagkatapos ng ilang ulit sa pakikipagpanayam, naihulma ni Marga ang kaniyang sarili sa modelong politika: taos-puso ang pagkilos, matatas na pananalita, at mapagsalamuha sa kapwa. Bagkus, sa kaso ni Marga, masalimuot ang pagmarka sa kung anong papel ang ginagampanan nito. Artistahin ang datíng dahil tanyag sa politika, o sangkot sa politika dahil artista? Ngunit, nasa mapanganib na kapangyarihan ni Marga ang pagsasailalim sa ganitong dinamismo. Ika nga niya, “Ano ba ang politika kung hindi isang telenobela?”
Sa pamagat pa lamang ng dula, mahihinuha ang nilalarong ideya ukol sa naging dinamikong kalagayan ni Marga—tatakbo ba ito ng paurong, o tatakbo na pasulong? Sa katunayan, maaaring pasulong ang pagtakbo ni Marga tungo sa pagiging sangkot ng politika, lalo na nang magwagi siya bilang bise-alkalde. Ngayon, mainam na tanungin kung ano ang kaniyang tinatakbuhan paurong? Ang drug-dependency nitong nakaimpluwensiya sa kaniyang pagkilos? O, ang aninag na tuluyang binibigkas ang kaniyang naglahong kasikatan?
Mula sa huling linyang binigkas ni Marga, matatanto ng mga manonood kung ano ang kongkretong pinili ng artista sa nasabi niyang dinamismo sa politika:
“Run, Marga, Run? No. Reign, Marga, Reign.”
Nag-aaral si Allen P. Gacutan ng Pilosopiya sa Ateneo De Manila University. Siya ay kasalukuyang nakikilahok sa mga publikasyon ng Ateneo De Manila University upang isabuhay ang kaniyang interes sa pilosopiya at politika. Mahilig siyang maglakad-lakad sa campus at kumuha ng mga litrato upang lubos na mabuhay ang kaibuturan ng alaala. Ginagawa niya rin ito para maramdaman muli na kaya nating maglakad sa sarili nating mga ritmo sa gitna ng matulin na mga proseso ng realidad.
We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!