“Wala nang hihigit pa, sa pag-aalay ng buhay para sa kalayaan ng bayan.” – Emilio
Ang katagang ito ang nagdikta sa kapalaran ng mga Santamaria. Sa loob ng tahanang inaasahang kumupkop at magbuklod sa isang pamilya, umalingawngaw ang putok ng nagsasabong na prinsipyo, hikbi ng inang bayang sawi, at tinig ng pag-ibig na nalulumbay. Tinatalakay ng dulang “Sa Tahanan ng Aking Ama,” na isinulat ni Elsa Coscolluela sa Ingles na isinalin ni Jerry Respeto sa Filipino, ang buhay ng isang pamilyang Pilipinong binuwag ng pulitika at personal na hidwaan. Hindi lamang nito sinasalamin ang masalimuot na ugnayan ng pamilya, kung hindi pati ang kalagayan ng isang bansa sa ilalim ng digmaan at ang moral na pagpili sa pagitan ng pamilya at bayan.
Bilang dulang nakabatay sa kasaysayan ng Pilipinas noong okupasyon ng mga Hapon, matagumpay na inilahad ng dula ang mapait na reyalidad ng digmaan sa pamamagitan ng mga teknikal na elemento nito. Akma ang mga props sa bawat eksena na siyang sumasalamin sa kulturang Pilipino noong 1940s – mula sa mga tradisyunal na kasangkapan sa bahay hanggang sa mga relikya sa simbahan.
Payak ang disenyo ng set ngunit puno ng simbolismo – hindi nalalayo sa simbahan ang tahanan ng mga Santamaria. Gayong kapwa may relihiyosong elemento ang dalawang pangunahing set, naging madali ang pagbabago ng marangyang sala ng mga Santamaria patungo sa salat na kondisyon ng Sakristiya. Nagabayan rin ng angkop na lighting ang transisyon mula sa dating maliwanag na buhay ng pamilya, tungo sa malamlam na katotohanan ng digmaan, hanggang sa solemnidad ng kapatawaran.
May malalim at makatotohanang pagganap ang bawat aktor na sumasalamin sa mga komplikadong ugnayan at emosyon ng bawat karakter. Kasabay ng napipintong digmaan sa pagitan ng mga Hapon at Amerikano, hindi na rin napigilan ang pag-usbong ng hidwaan sa tahanan ng mga Santamaria. Ang banggaan ng magkapatid na Franco, isang pragmatista, at Miguel, isang ideyalista, ang nagsilbing hudyat sa pagkakabuwag ng pamilya.
Sa kanya-kanyang pagtahak sa sariling landas, tangan-tangan ng bawat Santamaria ang natatanging kalayaang ipinagkaloob sa kanila ng mga magulang – ang kakayahang mag-isip at magpahayag nang malaya. Subalit, kapalit ng kalayaang ito ay ang unti-unting pagkalugmok ng mga kababaihang pinahahalagahan ng pamilya; mula kay Amanda na pilit na nagsisilbing ilaw ng tahanan, kay Cristy na kinailangang mamili sa pagitan ng mga magulang at asawa, at kay Isabel na buong lakas na nagpapakatatag para sa mga anak. Sa gitna ng unos, hinarap ng mga Santamaria ang mas mapait na katotohanan: bagaman isang pamilya, may sariling digmaang kailangang mapagtagumpayan ang bawat isa.
Hindi lamang simpleng kuwentong pamilya ang dula sapagkat maituturing din itong komentaryo sa masalimuot na kalagayan ng bansa noong okupasyon ng mga Hapon. Sa pagkakataong ito, naging mahalaga ang ginampanang papel nina Emilio at Marissa bilang mukha ng kawalan ng pag-asa. Nahapyawan ang kalunos-lunos na sitwasyon ng kababaihan bilang comfort women at ang masidhing pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa kalayaan ng bansa. Mariin ding ipinakita ang pang-aabuso sa kapangyarihan sa katauhan ni Seshei, kawalan ng hustisya, kahirapan, at pagkawala ng buhay kapalit ng kalayaan.
Sa mas malalim na antas, ipinapakita ng dula kung paano nagiging entablado ng moral na digmaan ang tahanan kung saan sumasalamin sa kalagayan ng buong bayan ang bawat kilos at pasya ng kababaihan. Hindi lamang laban sa mga dayuhan ang pakikipaglaban ng kababaihan kung hindi laban din sa sariling pamayanan na tila nakalimot sa kanilang halaga at kontribusyon. Inilalarawan din ng dula na sa gitna ng digmaan, patuloy na nagsisilbing haligi ng tahanan ang mga kababaihan, kahit na isinasakripisyo sila sa harap ng karahasan.
Sa huli, idinidiin ng dula na sa apat na sulok ng tahanan ng ating Ama, may pamilyang pinapatay hindi lamang ng patalim, kung hindi pati ng mga lihim at takot na may kaakibat na tungkulin. Nagsisilbing tanikala ang mga lihim na ito, unti-unting gumagapos sa kaluluwa ng bawat kasapi hanggang sa mapilitan silang pumili – isang pagpiling kailanman ay hindi magiging madali. Sa bawat sandali, ramdam ang bigat ng kanilang pasanin: isang krus na nagpapasakit sa laman, puso, at isipan. Kaya sa bawat eksenang binibigyang-buhay ng dula, patuloy na pinupukol sa mga manonood ang isang mahalagang tanong: Sa gitna ng gulo at pagsasakripisyo, ano nga ba ang mas matimbang – bayan o pamilya?
Haseena Montante is a second-year psychology student by day and your friendly neighborhood pop culture connoisseur around the clock – always ready to swing into action and unpack the latest or classic films and shows. With a passion for whirling entertainment into the world around her, she’s your ultimate guide to uncovering the deeper depths of everyone’s favorite media.
Si Cors Ignacio ay mula sa 3 BS CH-MSE, isang staffer ng Bagwisang Filipino. Sa kabila ng nakalulunod na postlabs, mahalaga pa rin kay Cors na mabigyan ng oras ang pagmamahal niya sa sining at panitikan.
We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!