Sulat ni Isabel Victorino
Larawan mula kay Jules Edar Ballaran ng Teatro Meron
Pagkatuwaan lamang ang bawat sandali. Huwag masyadong pag-isipan ang saysay ng bawat salitang bibitawan.
Ito ang panawagan ng Teatro Meron sa pagpasok ng mga manonood sa “Sopranong Kalbo,” isang dulang absurdist na hinango sa “The Bald Soprano” ni Eugène Ionesco. Ang produksyon ng Teatro Meron ay isinalin ni Rolando Tinio at itinanghal sa direksyon ni Ron Capinding.
Mga walang kwentang kuwento
Sa isang munting tahanan sa Maynila, walang ibang imik kung ‘di ang tunog ng orasan. Narito si Ginang Santos (Miren Alvarez-Fabregas) na nag-aabang ng hapunan upang ikuwento ang sari-saring handa sa kanyang hapag, na parang ito ang paborito niyang paksa. Kasama niya ang asawa niyang si Ginoong Santos (Joel Macaventa) na walang ibang sagot bukod sa mga palatak habang nagbabasa ng dyaryo.
Pangkaraniwan lamang ang mga pinag-uusapan nila sa simula: mga anak, mga kapitbahay, iba’t ibang Bobby Tuazon sa mundo, at kung anu-ano pa. Habang tumatagal, walang lohika at umuulit na lamang ang sagutan nila. Katawa-tawang pakinggan ang daloy ng usapan sapagkat hindi kapani-paniwala na seryoso ang mag-asawa sa buong pagkakataon. Ngunit, kung pagninilayan, tila malumbay rin ang kalagayan nilang di-tiyak ang patutunguhan mula sa araw-araw nilang nakagawian.
Maaaring pagnilayan ang istrukura ng “Sopranong Kalbo” bilang ang kawalan nito, dahil naging lantad din sa mga sumunod na eksena ang kabalighuan ng mundo at ng mga tauhang gumagalaw dito. Maya’t maya papasok ang kasambahay ng mga Santos na si Marie (Gold Soon) na unti-unting nauubusan ng buhok, kinakausap ang mga manonood upang magbunyag ng mga sikreto, at parang nawawala sa sarili. Darating ang mga inaasahang bisita na sina Ginang Martin (Pickles Leonidas) at Ginoong Martin (Joseph Dela Cruz), na bigla na lang mag-uusap at sasayaw nang paikot-ikot. Malinaw na nagkakarinigan sila dahil nag-uulitan lang sila nang punto habang sinasalamin ang galaw ng isa’t-isa, ngunit sa kabila nito, hindi sila nagkakaintindihan.
Dumagdag din sa kawalang-bisa ng komunikasyon sa dula ang isang pagtatalo ng mga tauhan kung saan tinanong, “May tao ba sa pinto kung tumunog ang doorbell?” Seryoso ang talakayan tungkol dito sapagkat tumutungo din sa pinto si Ginang Santos tuwing tumutunog ang doorbell, kaya naman nakadagdag ito sa lumbay na nakatago sa katatawanan.
Dadalaw ang Hepe ng Bumbero (Yan Yuzon) na walang agarang pag-aabala at may mahabang oras para makipagpalitan sa dalawang mag-asawa ng mga kwentong walang balangkas at moralidad, bagaman nasusunog ang kanilang siyudad.
Pagbalik sa umpisa
Tulad ng unang pasabi sa mga manononood, hindi gagana ang pangkaraniwang lohika sa pag-unawa sa “Sopranong Kalbo.”
Hango sa ideya ng absurdist, intensyonal ang magulong daigdig na ginagalawan ng mga karakterupang bigyang-diin ang mga sentral na tema sa manonood. Sa kaso ng “Sopranong Kalbo,” hindi mabisá ang pangkaraniwang kaalaman sa komunikasyon at kronolohiya. Gayunpaman, isang tanong ang maaaring lumitaw pagkatapos panoorin ang dula: “Makabuluhan ba ang ating paggamit ng oras?”
Katuwa-tuwa man ang mga pagtatalo na walang rason at patutunguhan, o ang mga reaksyon ng mga tauhan sa isa’t isa na walang saysay; ramdam ang paninindigan ng bawat aktor sapagkat malinaw na hindi nakikipagbiruan ang tauhan. Sa kabila ng mga biro, tunay nilang nakalilimutan kung sino ang mga asawa nila at natutuwa sila sa mga kuwentong walang laman. Dahil dito, maaaring sabihin na ito nga talaga ang buhay nila—hindi ganap na nakikinig sa isa’t isa at walang ginagawang makabuluhan sa araw-araw. Hindi malinaw kung ano ang mga responsabilidad ng mga mag-asawang Santos at Martin, kaya kapani-paniwala pa na walang diwa ang mga araw nila, ngunit ang Hepe ng Bumbero, kahit may trabaho, ay tila nagsasayang lamang ng oras. Sa gayun, narito ang punto na lahat tayo ay maaaring magkulang sa sa paggawa ng mas makabuluhang buhay.
Ginanap ang kabuuan ng dula sa simpleng sala ng mga Santos, na medyo masikip tignan dahil sa lapit ng muwebles sa isa’t isa kahit malaya ang paggalaw ng mga tauhan sa loob. Nakatulong din ito sa pagpaparamdam ng hirap na maka-alpas mula sa mga bagay at ugaling nakagawian na.
Malakas ang dating ng bawat tinig ng orasan, na tila nais ng direktor na pakinggan ito nang mabuti. Wala din sa hulog ang tunog na ito kumpara sa tagpuan, dahil higit pa ito sa tinig ng orasan sa maliit na sala. Minsan ay binibilang ng mga mag-asawa sa kamay ang bawat minuto, at minsa’y tumitigil lamang sila upang pakinggan ang bawat pitik nito. Maaaring subukan ng mga manonood hulaan kung anong oras na sa dula, ngunit, walang ganap na pagkasunod-sunod ang mga minuto, at hindi gumagana dito ang kronolohiya, kahit sa dayalogo.
Dumating ang mga Martin sa tahanan ng mga Santos matapos nila maghapunan ng 9 N.G. Ilang oras silang magkukuwentuhan at magtatalo, at doon pa lang dadating ang Hepe ng Bumbero na kung kumilos ay parang umpisa pa lamang ng araw niya. Pumapatak ang oras dito at tila walang implikasyon ang lahat nito sa kuwento.
Sa kakalasan naman ng kwento, hinihigit din ng tauhan ang ilang mga manonood upang makilahok sa mga pangyayari–dinadala sa entablado upang sumayaw at makinig sa mga kasabihan at biro. Walang linya na binigay sa kanila, ngunit maaaring emblematiko ang bahaging ito sa kakulangan ng kakayahan natin makipagkapwa sa kabila ng kagustuhan nating gawin ito. Gumana ito sa pagpapakita na walang mangyayari sa relasyon natin sa kapwa kung hindi tayo magkakalinawan, dahil nanahimik lang din sa entablado ang mga nahigit na manonood.
Matatapos ang dula nang walang nagbago sa mga buhay ng mga tauhan. Walang saysay na bumalik sa pananalita ang mga tauhan at walang gawaing naiba. Sa wakasan, makikita ang trahedya ng kuwento, na walang naiba sa kundisyon ng mga tauhan sapagkat sinalamin lamang nito ang unang eksena. Ito pa rin ang mundo nila: walang saysay at walang ligaya sa kabila ng mga katatawanan sa kuwento.
Sa gayon, dama sa bawat eksena ng “Sopranong Kalbo” ang pakiramdam na kumilos sa araw-araw nang walang intensyon, makabuluhang pag-iisip, at pagpapahalaga sa kapwa. Batay sa pagtatanghal ng mga aktor, mabisang naparamdam ang bawat emosyon, katuwa-tuwang dayalogo, at masiglang paggalaw nila upang maipabatid ang naging lagay ng kanilang bukod-tanging mundo.
Masaya man panoorin ang “Sopranong Kalbo”, walang kaligayahang matatagpuan sa wakas nito. Naging mabisa ang pagiging absurdist ng dula sapagkat sadyang hindi magkatugma ang pabirong pagsalin ni Tinio at ang sinsirong pagtanghal ng mga aktor sa direksyon ni Capinding. Samakatuwid, mas tumpak din ang mga eksena bilang mga eksena din sa sarili nating tahanan. Maaaring pagninilay dito na mainam lagyan ng intensyon ang bawat usapan at kilos natin sa araw-araw upang hindi mapatulad sa mga tauhan.
Nag-aaral si Isabel Victorino ng komunikasyon sa Ateneo de Manila University. Minsan tahimik siya, pero minsan madaldal rin. Ang hindi nagbabago ay ang kagustuhan niyang intindihin ang mundo sa pamamagitan ng sining at pamamahayag. Lagi siyang abala, ngunit makikita mo siyang nanggigigil sa aso niya, lumalaklak ng kapeng mas gatas pa yata, o sumasayaw nang walang kahit anong patugtog. Ang mga bagay na ito ang nagbibigay saysay sa buhay niya sa labas ng mga tao (o alagang hayop) na mahal niya.
We are calling for contributions for the next set of articles to be featured right in our next folio. Come and submit your works today!